June 05, 2026

Home BALITA

'Fake news po ito!' Kara David sinita admin ng isang social media page

'Fake news po ito!' Kara David sinita admin ng isang social media page
Photo courtesy: Kara David/FB, The Political Animal/FB

Nagkomento sa isang fake news post si award-winning Kapuso broadcast-journalist Kara David at nakiusap sa admin ng social media page na i-take down ito.

Sa naturang post kasi, mababasa ang umano’y buwelta ni David hinggil sa mga naging akusasyon ni Sen. Rodante Marcoleta na marami umanong miyembro ng mainstream media ay bayaran; at aniya, nakakaperwisyo daw ito.

KAUGNAY NA BALITA: ‘The media is not a weapon!' Senate media, pinalagan akusasyon ni Sen. Marcoleta!-Balita

Giit ni David, peke raw ang naturang post.

“Fake news po ito. To the admin of this page, please take this down. Wala akong sinabi abt ‘gusto mo yata i-wish kita… nakakaperwisyo hanggang sa lumalabas sa bibig mo’. Please take this down. Fake news po ito,” komento ni David.

Photo courtesy: Screenshot from The Political Animal/FB

Kung titingnan ang Facebook page ng mamamahayag, totoong nagkomento siya hinggil sa naturang isyu.

Ngunit taliwas sa nabanggit na social media post tungkol sa umano’y pahayag ni David sa mga paratang ni Marcoleta, hindi binanggit ng mamamahayag ang ilan sa mga parte nito.

“Hindi kami bayaran,” maiksing pahayag ni David sa kaniyang post.

Photo courtesy: Kara David/FB

Habang isinusulat ang artikulong ito, hindi pa rin nabubura ang naturang post; at wala pa ring pahayag ang admin ng nasabing social media page kaugnay dito.