June 04, 2026

Home BALITA Politics

‘The media is not a weapon!' Senate media, pinalagan akusasyon ni Sen. Marcoleta!

‘The media is not a weapon!' Senate media, pinalagan akusasyon ni Sen. Marcoleta!
Photo courtesy: MB file photo

Mariing kinondena ng Senate media ang naging pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta na umano'y maraming miyembro ng mainstream media ang mga bayarang media na nasa Senado.

Sa isang pahayag na inilabas nitong Huwebes, Hunyo 4, 2026, sinabi ng Senate media na ang naturang akusasyon ay isang walang basehang pag-atake laban sa mga mamamahayag na patuloy na ginagampanan ang kanilang tungkulin sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko.

Ayon sa grupo, ang naging pahayag ni Marcoleta sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay hindi lamang iresponsable kundi mapanganib din sa isang institusyong mahalaga sa isang demokratikong lipunan.

"We, the members of the Senate media, condemn in the strongest possible sense the sweeping claim by Sen. Rodante Marcoleta that many members of the mainstream media are nothing more than paid hacks," ayon sa pahayag.

Binigyang-diin ng Senate media na hindi makatarungan ang pagdawit sa buong hanay ng media, lalo na sa mga mamamahayag na nahaharap sa pananakot, panggigipit at iba pang panganib upang maihatid sa publiko ang mahahalagang impormasyon.

Politics

Malacañang, muling nanindigan kay Sen. Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore, Acting Senate President

Sinabi rin ng grupo na ang mga akusasyong walang sapat na ebidensya laban sa media ay maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa lehitimong pamamahayag at magdulot ng mas matinding pag-atake laban sa mga mamamahayag.

Ayon sa Senate media, hindi tungkulin ng mga mamamahayag na magsilbi sa mga pulitiko o anumang partidong pampulitika.

"The role of journalists is not to serve politicians, political parties or competing factions in the country's endless political battles," saad sa pahayag.

Iginiit din ng grupo na ang media ay hindi dapat gawing kasangkapan sa mga tunggalian sa pulitika.

"Journalists should never be dragged into the rivalries, feuds, or power struggles of political figures. The media is not a weapon to be wielded by one camp against another, nor should it be treated as collateral damage in political warfare," ayon sa Senate media.

Bagama't kinilala ng grupo na bahagi ng isang demokratikong lipunan ang pagpuna sa media, sinabi nilang may malaking pagkakaiba ang makabuluhang kritisismo at ang walang basehang paninira sa buong propesyon.

"Criticism of media coverage is fair and even healthy in a democratic society. But there is a profound difference between constructive criticism and the wholesale vilification of an entire profession," dagdag pa nila.

Sa pagtatapos ng kanilang pahayag, muling iginiit ng Senate media na ang katapatan ng pamamahayag ay nakatuon lamang sa katotohanan at sa publiko.

"Again, the press is not the enemy of any political faction. It is not an extension of any political machinery. Its allegiance must remain solely to the truth and to the public it serves," ayon sa grupo.

Inirerekomendang balita