LOS ANGELES (AP) — Mas masigla at mas matikas ang Cavaliers sa sandaling nakatungtong ang mga paa sa Hollywood.

Sa harap ng A-list celebrities, halos perpekto ang laro ng Cavaliers para sa kahanga-hangang resulta laban sa isa pang pambato ng Hollywood – ang Los Angeles Clippers – na pinaliguan ng 18 three-pointer ng defending Eastern Conference champion para sa 114-90 panalo noong Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).

Tulad ng inaasahan, nanguna si LeBron James sa natipang 27 puntos at napantayan ng Cavaliers ang season high 18 three-pointer.

Galing sila sa 12-puntos na panalo sa Los Angeles Lakers kung saan nakapagtala sila ng kabuuang 16 sa long range.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

“We came out and took care of business,” pahayag ni James. “We’re getting into form right now. We’ve got a great rotation going right now. The guys are healthy and we’re just trying to play the game the right way.”

Hataw din sina J.R. Smith at Kyrie Irving na may tig-17 puntos, habang tumipa si Channing Frye ng 15 puntos para sa season-high-tying na limang 3-pointer. Laban sa Lakers, nagbuslo si Frye ng limang 3-point shot.

Nakamit ng Cavs ang ikatlong sunod na panalo at nahila ang karta sa 20-6 laban sa koponan mula sa West.

KNICKS 90, LAKERS 87

Sa kalapit na Staples Center, naisalpak ni Jose Calderon ang 3-pointer may 0.2 segundo ang nalalabi para gabayan ang New York Knicks kontra sa Lakers.

Kumubra si Carmelo Anthony ng 26 puntos, kabilang ang 12 sa final period.

Tumipa naman si Kobe Bryant, nagpahayag ng kanyang pagreretiro sa pagtatapos ng season, ng 14 puntos sa kanyang ika-29 at huling laro sa regular season kontra kay Anthony.

BUCKS 109, NETS 100

Sa New York, winasak ng Milwaukee Bucks, sa pangunguna ni Giannis Antetokounmpo na may 28 puntos, 14 assist at 11 rebound, ang Brooklyn Nets.

Tinanghal si Antetokounmpo na kauna-unahang Bucks player na nakapgatala ng apat na triple-double sa isang season.

Nag-ambag si Jabari Parker ng 23 puntos, habang kumubra si Khris Middleton ng 19 puntos para sa ikatlong sunod na panalo ng Bucks.

Humugot ng 20 puntos si Brook Lopez para sa Nets, sumadsad sa ikaapat na sunod na kabiguan mula nang mai-trade si Joe Johnson sa Miami Heat. Nagsalansan naman ng 19 puntos si Sean Kilpatrick.

JAZZ 108, KINGS 99

Sa Sacramento, kumana si Derrick Favors ng 28 puntos at 14 rebounds, habang umiskor si Gordon Hayward ng 27 puntos para sandigan ang Utah Jazz laban sa Sacramento Kings.

Nag-ambag sina Shelvin Mack na may 14 puntos at walong assist, Rodney Hood na may 14 puntos at Trevor Booker na may 12 puntos.

Nanguna ang pasaway na si DeMarcus Cousins sa Kings na may 31 puntos at 10 rebound sa kanyang pagbabalik-laro mula sa suspensyon, habang umeksena sina Omri Casspi nay may 20 puntos at Darren Collison na umiskor ng 14 puntos.

HAWKS 104, PACERS 75

Sa Atlanta, hindi pinaporma ng Atlanta Hawks ang Indiana Pacers para maitarak ang 29 puntos na panalo.

Tumipa sina Al Horford at Paul Millsap ng tig-18 puntos, habang kumana si Kyle Korver ng 14 puntos.

Naibaba ng Hawks ang 20-0 run at tinapos ang laro na may pitong 3-pointer tungo sa ikalimang panalo sa huling anim na laro.

Tanging si Indiana rookie Myles Turner ang nakaiskor ng double digit sa Pacers sa natipang team-high 19 puntos, habang tila nanigas sa yelo ang opensa ng starter tulad ni All-Star starting forward Paul George na nakadale lamang ng pitong puntos mula sa malamyang 3-for-15 shooting.