LINGAYEN, Pangasinan – Agad nabalot ng kontrobersiya ang pagsisimula ng Philippine National Games matapos mabigo ang ilang miyembro ng national chess team habang posibleng madiskuwalipika ang two-time Olympian at SEA Games long jump record holder na si Marestella Torres sa athletics event, sa Don Narciso Ramos Sports and Civic Center.

Naitala ni FIDE Master Narquinden Reyes ng Mandaluyong ang upset nang gapiin sa men’s random chess sina Grandmasters Rogelio Antonio Jr. at Richard Bitoon, kapwa miyembro ng national team.

Nagtumpok ng kabuuang apat na puntos si Reyes, habang magkasosyo na may 3.5 puntos sila Antonio at Bitoon.

Nagwagi naman sa women’s class si WGM candidate at WIM Janelle Mae Frayna kontra kina WFM Cherry Ann Mejia ng Pangasinan at WFM Marie Antonette San Diego para makaungos batay sa tie-break point.

Tatay ni Caloy, ‘ginatasan’ daw ng anak: ‘Kinuha niya semilya ko, ginanyan na kami!’

Tinalo naman sa men’s ASEAN chess event ni International Master Joel Pimentel sina GM Darwin Laylo at Rogelio Antonio Jr. Kapwa nagtala ng 3.5 puntos ang tatlo subalit nakuha ni Pimentel ang gintong medalya via quotient system.

Pinatunayan naman ni Mary Grace Delos Santos ang pagiging reyna sa long distance matapos dominahin ang 10,000m run.

Itinala nito ang kabuuang oras na 39 minuto at 40.4 segundo.

“Medyo mabagal po ang time ko kasi hindi po masyado makapag-training dahil wala pa po kaming detailed service order.

Late na po ako talaga nakapag-start ng training kaya po hindi best ang time ko,” sabi ng 28-anyos mula sa Zamboanga Sibugay na may ranggo na Air Women 2nd Class sa Philippine Air Force.

Dismayado naman si Torres sa nilundag nito na 6.13 metro sa una niyang talon at posible pang madiskuwalipika dahil sa hindi nito nailagay ang competition number.

“Iyung una lang ang nakalusot eh,” sabi ni Torres na malayo ang nilundag sa personal best at Olympic qualifying standard na 6.71 metro. “Pinilit ko bilisan ang takeoff ko pero laging lumalampas sa line,” aniya.

Hangad ni Torres na maabot ang kanyang buong lakas sa pagsabak sa isinasagawang PATAFA National Open sa Abril at nakatakda rin siyang sumali sa Singapore Open, Asian Masters sa Mayo; Hongkong Open sa Hunyo at Vietnam Open sa Hulyo.

Pumangalawa kay Torres si Regine Batoy ng Rizal Technological University (5.22) para sa pilak at ikatlo si Pricious Venturina ng Central Luzon State U (5.09) para sa tanso.

Nagwagi sa men’s shotput si John Albert Mantua na miyembro ng PH training pool sa inihagis nito na 14.35 metro habang ikalawa si Avery Cuyugan ng Mapua (12.51m). Ikatlo si Lauro Purganan (12.34m).

Inuwi naman ni Cherry Doronilla ng Baguio City ang gintong medalya sa girls 10,000m run sa kabuuang oras na 42:53.4 segundo.

Samantala, isinabak ng Team Pangasinan ang kabuuang 238 atleta habang may 474 na kalahok na nagwagi ng medalya mula sa Luzon, 265 mula sa Mindanao, at 392 sa Visayas para sa pangkalahatang 1,369 kalahok.

May 31 local government units ang kumakatawan sa Luzon, habang 27 sa Visayas, at 23 naman sa Mindanao. (Angie Oredo)