Mga laro ngayon

(Smart-Araneta Coliseum)

4:15 n.h. -- Phoenix vs Mahindra

7 n.g. -- Ginebra vs Alaska

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Puntirya ng Alaska na makopo ang solong ikalawang puwesto sa pakikipagbanggaan sa Barangay Ginebra sa tampok na laro ngayong gabi ng OPPO-PBA Commissioner’s Cup sa Smart-Araneta Coliseum.

Nakapuwesto kasama ang Philippine Cup titlist San Miguel Beer na kapwa may 3-1 karta, target ng Aces na mapatatag ang kampanya laban sa pinakapaboritong koponan ng masa.

Kapwa itataya ng dalawang koponan ang kanilang three-game winning run sa ganap na 7:00 ng gabi.

Sa unang laro, magkakasubukan ang Phoenix Petroleum at Mahindra, ganap na 4:15 ng hapon.

Matapos matalo sa Blackwater sa una nilang laban, nagtala ng tatlong sunod na tagumpay ang Aces, pinakahuli kontra Fuel Masters noong Marso 4, sa iskor na 105-89.

Bigo sa unang dalawa nilang laro, rumatsada naman ang Kings sa nakaraaang tatlo nilang laban, pinakahuli laban sa Enforcers noong Marso 2, 104-86, sa Ynares Sports Center sa Antipolo. (Marivic Awitan)