Nanawagan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga taxpayer na agahan ang pagbabayad ng buwis at huwag nang hintayin ang deadline sa susunod na buwan.

Ayon kay BIR Commissioner Kim Henares, pinaplantsa na rin ng kawanihan ang sistema nito para sa mga bangko na tatanggap ng mga tax payment sa dalawang Sabado bago ang deadline sa Abril 15.

Sinabi ni Henares na tatanggap ng income tax returns (ITRs) at tax payment ang mga authorized agent bank sa Marso 19 at Abril 2, kahalili ng Black Saturday sa Marso 26 at Araw ng Kagitingan sa Abril 9.

Aniya, palalawigin din ng mga bangko hanggang 5:00 ng hapon ang banking hours sa Abril 1-15.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Samantala, inihayag kahapon ng BIR na kukumpiskahin nito ang mga high-breed imported car na pinalusot ng Bureau of Customs (BoC) kahit na hindi nagbayad ng excise tax at walang authority to release imported goods (ATRIG) clearance.

Ito ang babala ni Henares matapos kumpirmahing “significant numbers of motor vehicles were released (by BoC) without the required ATRIG.”

Karamihan sa mga sasakyan na ito na hindi binuwisan ay luxury types at sports utility vehicles, gaya ng Hummer at Lexus.

Inisyu ng BIR ang ATRIG sa BoC para pahintulutan ang paglalabas ng imported goods mula sa kostudiya ng BoC matapos magbayad ng excise tax at iba pang buwis, na nakadepende sa bentahan dito ng mga manufacturer o mga importer, alinsunod sa Section 5 ng tax code.

Itinakda ng Revenue Regulations No. 2-2016 sa Marso 15 ang deadline sa pagbabayad ng mga delinquent account, bukod pa sa 50 porsiyentong surcharge at 20 porsiyentong interest “reckoned from the date of the final import entry and internal revenue declaration.”

“Consequently, all imported automobiles found to have been released from customs custody after March 15, 2016 without the required ATRIG shall be subject to seizure pursuant to Section 172, 263 and 268 (C) of the National Internal Revenue Code,” ani Henares. (ROMMEL TABBAD at JUN RAMIREZ)