LAUSANNE, Switzerland (AP) — Sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang mahigit 30 taon, hindi na gagamit ng headgear ang mga lalaking boxer sa Olympics.

Isinulong ng International Boxing Association (AIBA) ang pagtanggal ng headgear sa amateur championship, may tatlong taon na ang nakalilipas, kaya’t pormalidad na lamang ang naging desisyon para sa Rio Olympics sa Agosto 5-20.

Naging legal ang desisyon ng AIBA nang katigan ito ng International Olympic Committee (IOC) Executive Board kamakailan at nagsabing walang karapatan ang IOC na pakialaman ang naturang desisyon.

Ayon kay AIBA President Ching-Kuo Wu, miyembro rin ng makapangyarihang Executive Board ng IOC, na batay sa pananaliksik, ang pagsusuot ng headgear ay hindi nakasisiguro na makatutulong para hindi magtamo ng injury ang fighter.

Ilang volleyball stars pina-auction jersey; tulong sa player na may liver cancer

“AIBA provided medical and technical data that showed the number of concussions is lower without headgear,” pahayag ni Mark Adams, tagapagsalita ng IOC. “They have done a lot of research in the last three years. The rule will go ahead for Rio.”

Mananatili namang may suot na headgear ang mga babaeng fighter sa Olympics.

Nagsimulang magsuot ng head guard ang mga boxer sa Olympics noong 1984 Los Angeles Games. Ngunit, itinigil ang paggamit nito sa 2013 world championship at 2014 Commonwealth Games.

Hindi naman nagbigay ng tugon ang IOC hinggil sa plano ng AIBA na payagan ang mga pro boxer na sumabak sa Rio Games.

Inaasahang maaaprubahan ito sa gaganaping special meeting ng AIBA sa Mayo.

Ngunit, ngayon pa lamang ay binatikos na ito ni World Boxing Council president Mauricio Sulaiman. Aniya, ang AIBA “does not have a clue of what boxing means and represents.”

Aniya, magkakaroon ng klarong ‘mismatch’ sa laban sa pagitan ng amateur at isang pro boxer na sanay sumabak sa 12-round fight.