Nagsampa na ang Office of the Ombudsman ng kasong graft at bribery sa Sandiganbayan laban sa limang dating miyembro ng Kamara de Representantes dahil sa umano’y pagkakasangkot sa multi-bilyong pisong anomalya sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Inaprubahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang paghahain ng kasong kriminal laban kina dating Congressman Rufino “Ruffy” Biazon, ng Muntinlupa City; Rodolfo Valencia, ng Oriental Mindoro; Marc Douglas Cagas IV, ng Davao del Sur; Arrel Olano, ng Davao del Norte; Arthur Pingoy Jr., ng South Cotabato; at iba pang opisyal ng gobyerno.

Sa limang hiwalay na kautusan, ibinasura rin ni Morales ang motion for reconsideration ng limang dating kongresista at iginiit na may “probable cause” upang kasuhan sila base sa ebidensiya na isinumite ng National Bureau of Investigation (NBI) at ni Atty. Levito Baligod, abogado ng “pork barrel” scam whistleblower na si Benhur Luy.

Kabilang sa mga kinasuhan ang mga dating opisyal ng Energy Regulatory Commission (ERC), kasama si Chairperson Zenaida Ducut; ng Department of Budget and Management (DBM); ng Technology Resource Center (TRC); ng National Business Corporation (Nabcor); ng negosyanteng si Janet Lim Napoles; at ng kinatawan ng mga non-government organization. 

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Sinabi ng OMB na inendorso ni Biazon ang kanyang PDAF na nagkakahalaga ng P3 milyon para sa Philippine Social Foundation, Inc. (PSFI), isang NGO na kontrolado umano ni Napoles.

Kumubra umano si Biazon, anak ni dating Senador Rodolfo Biazon, ng P1.95 milyon bilang “rebate” sa pamamagitan ni Ducut, na “ahente” mula sa Kamara.

Si Valencia ay kinasuhan ng three counts of malversation at three counts of graft dahil sa paglustay umano ng P2.4 milyon mula sa kanyang mga proyekto na pinondohan ng PDAF noong 2008. (Jun Ramirez)