Umaasa ang dalawang batikang election lawyer na papahalagahan ng Korte Suprema ang ebidensiya sa desisyon nito hinggil sa isyu ng diskuwalipikasyon laban sa kandidatura sa pagkapangulo ni Sen. Grace Poe.

Ayon kina Attorney Romulo Macalintal at Edgardo Carlo Vistan II, posibleng maging praktikal ang Korte Suprema at lumihis sa mas kumplikadong usapin na kuwalipikado nga ba ang isang foundling o pulot bilang isang natural-born citizen na requirement sa pagtakbo sa pagkapangulo.

“Citizenship involves legal interpretation, while residency is factual or based on facts and evidence of residency,” pahayag ng dalawang election lawyer sa magkahiwalay na panayam.

Matatandaan na diniskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) si Poe sa dalawang magkahiwalay na desisyon dahil hindi ito natural-born Filipino citizen at kakulangan sa 10-year residency requirement sa pagtakbo sa pagkapangulo tulad ng nakasaad sa Saligang Batas.

National

'Unfinished business' ni Roque sa House of Representatives, pinuna ng ilang mambabatas

Dahil dito, sumangguni si Poe sa Korte Suprema hinggil sa naging desisyon ng Comelec at inaasahang pagbobotohan na ng mga mahistrado ang isyu sa susunod na linggo.

Lumitaw din sa mga ulat na naiparating na ang draft decision, na isinulat ni Justice Mariano C. del Castillo, sa mga mahistrado ng Korte Suprema upang ito ay desisyunan.

Iginiit ni Macalintal na mas madaling resolbahin ang isyu sa residency dahil bibilangin lamang ang taon at buwan kung saan nanatili ang isang indibiduwal at kasalukuyan pa ring naninirahan bago ang araw ng halalan.

(Rey G. Panaligan)