Nakubkob ng mga militar ang pinaghihinalaang kuta ng mga terorista matapos ang isang linggong labanan sa bayan ng Butig, Lanao del Sur.
Itinaas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang bandila ng Pilipinas makaraang makubkob ang pangunahing kampo ng Maute group, sa Butig.
Ayon kay Maj. Gen. Gerry Barrientos, commander ng First Infantry Division, ang pagtataas ng bandila ay pagpapakita na nagtagumpay ang pamahalaan laban sa mga terorista makalipas ang isang linggong bakbakan na ikinamatay ng 60 katao at ikinasugat ng marami pang iba pa.
Ang nakubkob na kuta ay dating kinaroroonan ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute, na kapwa Indonesian national at may direkta umanong kaugnayan sa Jemaah Islamiyah terrorist group sa Mindanao.
Nasaksihan ng ilang lokal na opisyal ang isinagawang joint flag raising ceremony sa lugar na kinabibilangan ni Butig Mayor Ibrahim Macadatu, ilang kinatawan ng pamahalaang panlalawigan ng Lanao del Sur at pulisya.
Sinabi ni AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, isinagawa ang nasabing programa dahil nakubkob na kuta ng mga terorista na nagpapakitang kontrolado na ng militar ang lugar, partikular ang Barangay Puktan, Butig.
Ayon pa kay Padilla, bagamat nakuha na ng militar ang kuta ng Maute brothers ay magpapatuloy pa rin ang clearing operations sa lugar.
Naniniwala ang AFP na baldado na ang nasabing grupo at nagkawatak-watak ang mga kasapi nito dahil sa pinaigting na manhunt operation ng militar. (Fer Taboy)