IPINAGDIRIWANG ngayon ng mamamayan ng Bulgaria ang ika-138 anibersaryo ng Kalayaan nito mula sa pananakop ng Ottoman. Sa petsang ito noong 1878, nilagdaan ang Treaty of San Stefano. Winakasan ng tratadong pangkapayapaan sa pagitan ng Russia at ng Ottoman Empire ang digmaan at iprinoklama ang Bulgaria bilang isang malayang estado.
Matapos maging malaya mula sa pananakop ng Ottoman, nagawang mapagtibay ng Bulgaria ang sarili nitong pamunuan, nagtatag ng sariling gobyerno, at nagpasimula ng sarili nitong kultura. Makalipas ang dalawang taon, noong Marso 3, 1880, nahalal si Prince Alexander ng Battenberg bilang unang pinuno ng bansa. Ang Prinsipe ay pamangkin ni Tzar Alexander II na nagpalaya sa Bulgaria mula sa pananakop ng Ottoman noong panahon ng Russo-Turkish War.
Ang Araw ng Kalayaan ay ipinagdiriwang sa ibat ibang panig ng bansa, partikular na sa maliliit na bayan, na karamihan ay nawasak sa paglalaban para sa kalayaan. Sa kabiserang Sofia, karaniwan nang nagsisimula ang pagdiriwang sa pagtataas ng watawat, sa seremonya sa simbahan, at gun salute sa harap ng Monument to the Unknown Soldier.
Itinayo ang monumentong ito upang mapanatiling buhay ang kagitingan at karangalan ng daan-libong sundalong Bulgarian na nasawi sa digmaan.
Nag-aalay din ng mga bulaklak at liham sa Liberation Monument sa Sofia. Itinayo ang Liberation Monument bilang pagbibigay-pugay kay Russian Emperor Alexander II na nagpalaya sa Bulgaria mula sa pananakop ng Ottoman sa Digmaang Russo-Turkish noong 1877-78.
Ang Bulgaria ay isang bansang Balkan sa timog-silangang Europe na may malawak na lupa na kinabibilangan ng baybayin ng Black Sea, mga ilog, at kabundukan. Nahahanggan ito ng Romania sa hilaga, Greece at Turkey sa katimugan, Serbia at Macedonia sa kanluran, at nasa silangan ang Black Sea. May pinagsama-samang impluwensiya ng kulturang Greek, Slavic, Ottoman, at Persian, ang Bulgaria ay may saganang pamana ng tradisyunal na sayaw, musika, kasuotan, at produkto. Ang kabisera nitong Sofia ay isa sa pinakamadalas bisitahin ng mga turista sa Bulgaria, dahil sa mga coastal at mountain resorts nito. Kabilang ang pangunahing dinarayo ang St. Alexander Nevsky Cathedral, isa sa mga simbolo ng Bulgaria, na itinayo na may estilong Neo-Byzantine.
Binabati namin ang mamamayan at ang gobyerno ng Bulgaria, sa pangunguna ni President Rosen Plevneliev, sa pagdiriwang ng kanilang ika-138 Araw ng Kalayaan.