Na-hack kahapon ang website ng Philippine Information Agency (PIA) Central Office sa Quezon City, at naglathala ito ng mga bogus na news story tungkol kina Liberal Party (LP) presidential candidate Mar Roxas, Vice President Jejomar Binay, at sa negosyanteng si Janet Lim-Napoles.

Nailathala ng naturang website ang isang artikulong nagsasabing tinalikuran na ni Roxas ang kandidatura nito sa pagkapangulo at tutuon na lamang sa kanyang asawa na si Korina Sanchez.

Nakita rin sa website ang mga litrato ni Roxas, kabilang na rito ang paghiga ni Roxas sa isang bloke ng yelo, paghawak sa fire hose, pag-eehersisyo, pagpasan sa isang sako ng bigas at pagsemplang sa sinasakyang motorsiklo.

Pinangalanan ang mga litrato bilang “Boy Yelo”, “Boy Bumbero”, “Boy Zumba”, “Boy Kargador”, at “Boy Semplang”.

Eleksyon

Vendor, kakandidatong senador; nanawagan ng tulong para sa anak na may rare disease

Mali rin ang nailathalang artikulo kay Binay, na inamin umanong mayroon siyang 350-ektaryang lupain sa Batangas.

Lumabas din ang isang artikulo na nag-ulat na si Napoles ay “natagpuang patay sa Manila Hotel” at napalilibutan umano ng mga mamahaling relo.

Hanggang kahapon, wala pang umaako sa hacking. (Rommel P. Tabbad)