SUNUD-SUNOD na tawag ni Sylvia Sanchez ang gumising sa amin kahapon ng umaga para ibalitang ‘wala’ na si Direk Wenn Deramas.

“Gising ka na ba?” bungad ni Ibyang mula sa kabilang linya. “Okay ka na? Gusto ko lang ibalita sa ‘yo, wala na si Direk Wenn. Inatake sa puso.”

Hindi pa kami masyadong nakapagsalita habang kausap si Ibyang at ang tanging nasabi namin, ‘hala’ at nagpaalam na ang aktres.

Kaya nagtanong na kami sa ilang kakilala namin at nakumpirmang pumanaw na nga si Direk Wenn, inatake dahil sobra niyang dinamdam ang pagpanaw ng kapatid niya na si Wawa.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Iyak daw nang iyak si Direk Wenn hanggang sa sumama na ang pakiramdam.

Matatandaang dalawang taon na ang nakararaan nang magkaroon siya ng mild heart attack. Pansamantala siyang tumigil sa paggawa ng TV series at pelikula simula noon. Inoperahan naman siya sa puso (angioplasty) last year, gumanda ang pangangatawa, at bumalik sa trabaho.

Sa Capitol Medical Center binawian ng buhay si Direk Wenn.

Maraming projects na inihahanda si Direk Wenn, isa na ang uumpisahan sanang bagong teleserye at ganoon din ang pelikulang pagsasamahan nina Vice Ganda at Daniel Padilla para sa 2016 Metro Manila Film Festival, at sa susunod na taon naman sana nakatakdang gawin ang sequel ng Beauty and The Bestie na kumita ng P526M sa 2015 MMFF.

Mula sa amin dito sa Balita, nakikiramay po kami sa mga naulila ni Direk Wenn Deramas. (REGGEE BONOAN)