Ngayon pa lang ay mariin na ang paalala ng Commission on Elections (Comelec) sa mga botante na mahigpit na ipagbabawal ng poll body ang pagse-selfie sa loob ng voting precinct kasama ang balota, sa eleksiyon sa Mayo 9.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, alinsunod sa election rules, hindi pinapayagan ang pagkopya sa balota ng mga botante upang matiyak ang proteksiyon ng kanilang boto, at ang larawan ay itinuturing ng Comelec na kopya ng balota.

Kaugnay nito, pinayuhan din ni Jimenez ang mga botante na umiwas sa vote buying at electioneering, na karaniwan na tuwing eleksiyon.

Pinaalalahanan din niya ang mga botante na i-check sa website ng Comelec kung nasa listahan ang kanilang mga pangalan dahil may mga kaso na inaasahan ng mga botante na papayagan silang bumoto ngunit deactivated na pala ang kanilang rehistro o kaya naman ay wala silang biometrics.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Matatandaang nagpatupad ang Comelec ng ‘No Bio, No Boto’ policy, na ang mga botanteng walang biometrics ay aalisin sa listahan at hindi na papayagang makaboto.

Paalala pa ni Jimenez, dapat iwasan ng mga botante na sulatan ang bahagi ng balota na itinuturing na ‘no write zone’ upang hindi ma-reject ng vote counting machine (VCM) ang kanilang balota.

“Ang balota natin mayroon siyang no-write zones, mga parte nang balota na pag sinulatan di na bibilangin dahil itinuturing siyang fake ng makina,” paliwanag pa ni Jimenez. (MARY ANN SANTIAGO)