Naging madugo ang simpleng inuman ng isang mag-asawa sa loob ng kanilang bahay matapos na saksakin at mapatay ng isang 34-anyos na misis ang kanyang mister sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Kinilala ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang biktimang si Eugenio Planos, 37, habang ang suspek ay ang misis nitong si Rose Planos.

Ayon sa imbestigasyon, dakong 11:45 ng gabi at nag-iinuman ang mag-asawa sa loob ng kanilang bahay sa Lumot St. sa Barangay Tatalon nang biglang magtalo ang mga ito.

Sa salaysay sa pulisya ng anak nilang babae, sinabi nitong nasa loob siya ng kanyang kuwarto nang marinig niya ang pagsigaw ng saklolo ng kanyang ina, at sa paglabas ay nakita niya ang kanyang ama na duguan habang hawak ang leeg ng kanyang ina.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Humingi ng tulong ang anak sa kanyang lolo para madala sa ospital ang ama, ngunit hindi na ito umabot nang buhay.

Ayon sa pagsusuri, nagtamo ng mga saksak sa leeg ang biktima.

Naaresto naman ang ginang at nasa kostudiya na ng pulisya. (Vanne Elaine P. Terrazola)