Isang 47-anyos na babae, na pinugutan at pinagputul-putol ang katawan, ang natagpuan sa loob ng stockroom ng kanilang bahay sa Makati City nitong Martes ng gabi.

Ayon kay PO3 Ronaldo Villaranda, dakong 9:00 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ni Rowena Kuo Comalida sa stockroom sa ikatlong palapag ng kanilang bahay sa Taylo Street, Barangay Pio Del Pilar, Makati.

Nauna rito, sinabi ni Jane Tiongco, anak ng biktima, na dakong 2:30 ng umaga nitong Martes nang napanaginipan niyang magkausap sila ng kanyang ina sa loob ng stockroom.

Pebrero 22 pa nawawala ang biktima, makaraang umalis umano ng bahay dakong 9:00 ng gabi.

<b>Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina</b>

Agad na kinausap ni Tiongco ang kapatid niyang si Ywey Kuo tungkol sa kanyang napanaginipan at nang pasukin nila ang stockroom ay natuklasan nila roon ang bangkay ng biktima na nakabalot sa berdeng kumot.

Humingi sila ng responde mula sa barangay at inaresto ng mga tanod na sina Arnold Angeles at Rizaldo Aquinde si Yuan-Chang Kuo, 46, Taiwanese, asawa ng biktima.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang suspek, at inaalam na ang motibo sa pagpatay. (Rizal S. Obanil)