Malubha ang lagay ng isang merchandiser matapos siyang pagtulungang saksakin ng tatlong lalaki na nagalit matapos na hindi niya nabigyan ang mga ito ng perang pambili ng alak sa Caloocan City, nitong Martes ng gabi.

Nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Darwin Oflash, 24, ng No. 1351 Campupot Street, Area 1, Barangay 175, Bagong Silang, ng nasabing lungsod.

Kaagad namang nadakip ang mga suspek na si Roween Baldoza, 18; at dalawang lalaki na kapwa 17-anyos, pawang taga-Bgy. 176, Bagong Silang.

Sa report ni PO2 Rios Veles, dakong 8:00 ng gabi, naglalakad ang biktima sa Campupot Street sa Bgy. 175 nang harangin siya ng mga suspek na noon ay nag-iinuman.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Humingi umano kay Oflash ng pambili ng alak ang grupo ni Baldoza, pero tumanggi ang una at sinabing wala siyang pera.

Nagalit ang mga suspek at pinagtulungang saksakin ang biktima. (Orly L. Barcala)