Arestado ang isang 19-anyos na estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) makaraang ireklamo ng 14-anyos niyang nobya dahil sa pag-upload sa Facebook ng kanilang sex video, sa Sta. Mesa, Manila, nitong Huwebes ng hapon.

Nakadetine na sa Manila Police District-Station 8 si Joshua Templado, ng Anonas Street, Sta. Mesa, kaugnay ng inihaing reklamo ng biktimang 3rd year high school lamang at residente ng Caloocan City.

Batay sa ulat ni PO2 Lalaine Almosam, ng Women and Children Protection Unit, pinilit umano ni Templado ang biktima na makipagtalik sa kanya noong Pebrero 5 ng tanghali sa Sta. Mesa.

Lingid sa kaalaman ng dalagita ay ini-record ng suspek ang kanilang pagtatalik.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Makalipas ang dalawang araw ay nag-away ang dalawa at nagpasya ang dalagita na makipaghiwalay na sa suspek, pero tumanggi ang huli at nagbantang ia-upload sa Facebook ang kanilang sex video.

Hiniwalayan pa rin ng biktima ang nobyo at nitong Huwebes ay gayon na lang ang gulat niya nang tinotoo ni Templado ang banta matapos matuklasang ipinasa ng suspek sa private message sa FB ng isa nilang kaibigang lalaki ang sex video nila.

Kakasuhan si Templado ng rape at paglabag sa Anti-Voyeurism Law na may kaugnayan sa RA 7610 (Anti-Child Abuse Law).

(Mary Ann Santiago)