Patay ang isang babaeng motorista makaraang pagsasaksakin ng isang lalaking sakay ng motorsiklo na nakagitgitan nito sa Parañaque City, nitong Martes ng hapon.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Unihealth Parañaque Hospital and Medical Center ang biktimang si Yolanda de la Rosa Manatad, residente ng Phase 2-C, San Nicolas St., Gatchalian Subdivision, Parañaque Subdivision, sanhi ng dalawang saksak sa dibdib.

Sa ulat na nakarating kay Parañaque City Police Chief Senior Supt. Ariel Andrade, dakong 4:00 ng hapon nang saksakin si Manatad ng hindi kilalang motorcycle rider sa gitna ng mainit nilang pagtatalo sa trapiko matapos magkagitgitan sa bahagi ng San Antonio Valley 1.

Minamaneho ng biktima ang kanyang itim na Isuzu Sportivo (XRY-677) sa nasabing lugar nang makagitgitan ang motorsiklo ng suspek na humantong sa kanilang pagbabangayan. Matapos ang ilang sandali, biglang bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak ng dalawang beses sa dibdib si Manatad.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Agad tumakas ang salarin matapos ang krimen habang isinugod ng Parañaque Rescue Team ang biktima sa nasabing pagamutan kung saan binawian din ito ng buhay. (Bella Gamotea)