Iniutos ng Office of the Ombudsman na sampahan ng kasong graft sa Sandiganbayan ang 11 opisyal ng Light Rail Transit Authority (LRTA) kaugnay ng maanomalyang pagpapatupad ng mga ito ng maintenance at janitorial contracts noong 2009.

Kabilang sa pinasasampahan ng kasong paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sina dating LRTA Administrator Melquiades Robles, Federico Canar, Jr., Dennis Francisco, Evelyn Macalino, Marilou Liscano, Elmo Stephen Triste, Eduardo Abiva, Nicholas Ombao, Roger Vaño, Maynard Tolosa, at Juliet Labisto.

Isinama rin sa kaso ang service providers na sina Lilia Diaz at Dennis Acorda, ng joint venture (JV) ng COMM Builders and Technology Philippines Corporation, PMP Incorporated, at Gradski Soabracaj GRAS.

Bukod dito, napatunayan din ng Office of the Ombudsman na nagkasala sa reklamong misconduct sina Canar, Francisco, Triste, Macalino, Liscano, Abiva, Ombao, Vaño, Tolosa, at Labisto kaya sinuspinde na sila ng anim na buwan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa record ng kaso, pumasok sa isang kontratra ang LRTA para sa “preventive and corrective maintenance” ng mga tren, riles, at depot facilities ng LRT Line 1.

Sa naturang kontrata, obligado ang JV na magpadala ng 793 manggagawa sa mga terminal at rolling stocks ng LRT Line 1.

“Documents show that in 2009, the JV was paid the combined costs of human capital and consumed material totaling P400.6 million. The Field Investigation Office, as complainant, found that only 209 personnel were deployed by the JV to the stations and depots,” anang Ombudsman.

Natuklasan din ng anti-graft agency na iprinoseso rin ng mga ito ang mga disbursement voucher ng sunud-sunod nitong monthly transcations sa kabila ng kawalan ng payroll.

Sinabi ng Ombudsman na pinalawig pa ang maintenance at janitorial contract ng mga ito hanggang Hulyo 2013.

(ROMMEL P. TABBAD)