SIMULA na ngayon ng kampanya para sa halalan sa Mayo 2016. Sina Mar Roxas, VP Binay, Sen. Grace Poe, Sen. Miriam Santiago, at Davao City Mayor Duterte ang mga kandidato sa pagkapangulo ng bansa. Sa magkakahiwalay na lugar nila gaganapin ang kani-kanilang meeting de avance kung saan ipakikilala nila ang kanilang mga sarili, ang mga kasama sa partido at higit sa lahat, ang kanilang gagawin kung sakaling sila ang maluklok.

Kamakailan, pinayuhan ni Ombudsman Conchita Morales ang mga botante na pag-isipan nilang mabuti ang pipiliing tagapamuno na matapat at may integridad. Aniya, “super” dami ng tiwaling opisyal sa gobyerno. Nasabi niya ito batay sa mga natanggap na reklamo ng kanyang opisina na mula sa mababa hanggang sa mataas na opisyal ng gobyerno ay may demandang graft and corruption.

Malaki ang koneksiyon ng halalan at katiwalian sa gobyerno. Mahirap sundin ang payo ni Ombudsman Morales. Kasi, napakagastos ng ating halalan. Sa pagsasagawa pa lamang ng mga pagpupulong sa pagsisimula ng kanilang kampanya ay gagastos na ng malaking halaga. Napakamahal din magpalagay ng anunsiyo ukol sa iyong kandidatura sa media. Malaking salapi rin ang iyong magagastos para sa iyong propaganda at sa pag-ikot mo sa buong bansa. Ang pinag-uusapan natin dito ay iyong mga kandidato para sa mga pambansang posisyon.

Bihira ang mga taong malinis at may integridad sa pagpasok sa ganitong halalan. Mayroon man pumasok at magwagi, kahit nasa kanilang puso ang paglilingkod, hindi mo maaasahang magiging matino sila sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin. Babawiin nila ang kanilang nagastos sa kampanya at hindi nila magagawa ito kung isusubsob lang nila ang kanilang ulo sa trabaho. Ang sahod sa posisyon na kanilang minimithi ay napakaliit kumpara sa magagastos nila para mapagwagian ito. Kahit may gumastos sa kanilang kandidatura, pababawiin din nila ito. Ang gumagastos ng milyun-milyong salapi para rito ay hindi ipinamimigay ang kanyang pera. Nangangapital ito na parang isang negosyante na mababawi niya at may tubo pa.

Kaya sa pulitika natin, nagsisimulang napakabango ang nagwaging pangulo katulad nina dating Pangulong Erap at Pangulong Noynoy. Hindi magtatagal, dismayado na ang taumbayan. Kasi, balot na sa anomalya ang kanyang administrasyon. Sa pamamagitan ng anomaly, binabawi niya ang nagastos niya sa halalan. Sa paraan ding ito pinababawi niya ang nangapital sa kanyang kandidatura. Kaya, ang halalan sa atin ay pagbibigay lang ng libangan at pansamantalang pag-asa sa mamamayan. It’s showtime! (RIC VALMONTE)