Sugatan ang incumbent mayor ng Bonggao, Tawi-tawi makaraan siyang tambangan ng mga armadong lalaki sa Zamboanga City, kahapon ng umaga.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, Quezon City, napag-alaman na kararating lang ni Bonggao Mayor Jasper Que sa Zamboanga City Airport dakong 9:00 ng umaga at tinatahak ang San Jose Road nang ratratin ng mga suspek ang kanyang sasakyan.

“Sakay ang mga suspek ng isang motorsiklo. Pinagbabaril ang sasakyan kaya tinamaan ang alkalde,” ayon sa ulat ng pulisya.

Tatlo ang tinamong tama ng bala sa katawan ni Que at nakaligtas siya sa tiyak na kamatayan nang ipaharurot ng driver ang kanilang sasakyan sa unang bugso ng putukan.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Isinugod ang alkalde sa isang ospital at nagpapagaling na ngayon, ayon sa pulisya.

Si Que ay miyembro ng Liberal Party subalit nagpasyang hindi na muling kumandidato upang tulungan sa kampanya si LP standard bearer Mar Roxas at si Mujiv Hataman, na kandidato sa pagka-gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). - Aaron Recuenco