WASHINGTON — Tumipa si Stephen Curry ng 51 puntos, tampok ang 36 sa first half para maisantabi ang impresibong opensa ni John Wall at maitarak ng Golden State Warriors ang 134-121, panalo kontra Washington Wizards nitong Miyerkules ng gabi (Huwebes sa Manila).

Naisalpak ni Curry ang 13 sa unang 14 na tira para sa kahanga-hangang 19 of 28 sa field at 11of 26 sa 3-point territory. Napantayan niya ang career-high 11 3-pointer.

Tuloy din ang ratsada ng defending-champion Warriors (45-4) at pantayan ang record ng Philadelphia 76ers na pinakamatikas na simula sa unang 49 na laro sa kasaysayan ng NBA.

Kumubra rin sina Klay Thompson sa natipang 24 na puntos at Draymond Green na umiskor ng 12 puntos at may 10 rebound.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Nanguna si Wall sa Wizards (21-26) sa nahugot na season-best 41 puntos at 10 assists.

SPURS 110, PELICANS 97

Sa San Antonio, napanatili ng Spurs ang imakuladang karta sa AT&T Center nang pabagsakin ang New Orleans Pelicans.

Umiskor si LaMarcus Aldridge ng season-high 36 puntos para sandigan ang Spurs (41-8) sa ika-27 sunod na panalo sa home game.

Nanguna si Anthony Davis sa Pelicans na may 28 puntos at 10 rebound.

THUNDER 117, MAGIC 114

Sa Oklahoma City, naisalpak ni Kevin Durant ang 3-pointer may kalahating segundo ang nalalabi para maisalba ang Thunder sa makapigil-hiningang panalo kontra Orlando Magic.

Hataw din si Russell Westbrook sa natipang 24 na puntos, career-high 19 rebounds at 14 assists – para sa ikatlong sunod na triple-double.

Kumubra si Durant ng 37 puntos para sa ikalimang sunod na panalo ng Thunder at ika-12 sa huling 13 laro. Nahila rin ng one-time MVP ang scoring streak na 20 puntos higit pa sa 36 na sunod, pinakamahabang streak sa NBA.

May kabuuang walong triple-double si Westbrook ngayong season at ika-27 sa kanyang career at pantayan si Rajon Rondo sa ikalawang puwesto sa likod nang nangungunang si LeBron James (39) sa mga aktibong player.

Nanguna si Victor Oladipo sa Magic sa nakuhang na 37 puntos

.

HORNETS 106, CAVS 97

Sa Charlotte, N.C., nasilat ng Hornets, sa pangunguna ni Jeremy Lin na kumubra ng 24 puntos, ang Eastern Conference leader Cleveland Cavaliers.

Kumubra rin si Michael Kidd-Gilchrist ng 11 puntos at 13 rebounds, habang kumana sina Marvin Williams ng 16 puntos, Frank Kaminski na may 15 puntos at Nicholas Batum (10).

Humugot naman si Kyrie Irving ng 26 puntos, habang tumipa si LeBron James ng 23 para sa Cavaliers. Nag-ambag sina J.R. Smith at Kevin Love ng 14 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.

PACERS 114, NETS 100

Sa New York, hataw sina C.J. Miles na may 27 puntos at Paul George na kumubra ng 17 puntos sa panalo ng Indiana Pacers sa Brooklyn Nets.

Humugot din si George Hill ng 13 puntos sa Pacers.

Nanguna sa Nets si Brook Lopez sa nakubrang 21 puntos at nag-ambag si Joe Johnson ng 20 puntos at 9 na assist.