LaMarcus Aldridge, Channing Frye

SPURS 107, MAGIC 92

Nanatiling imakulada ang kampanya ng San Antonio Spurs sa kanilang tahanan ngayong season.

Pinangunhan ni LaMarcus Aldridge ang ratsada ng Spurs sa naiskor na season-high 28 puntos, habang kumana si Patty Mills ng 22 puntos para bulagain ang Orlando Magic ,107-92, Lunes ng gabi (Martes sa Manila).

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Kapwa naitala nina Aldridge at Mills ang 9 for 13 sa field para gabayan ang Spurs sa malinis na 26-0 sa AT&T Center.

Nanguna sa Orlando si Nikola Vecevic sa naitumpok na 20 puntos at 10 rebounds, habang kumubra sina Victor Oladipo ng 19 puntos at Aaron Gordon na may 12 puntos at 16 rebound.

HAWKS 112, MAVS 97

Sa Atlanta, kumubra ng season-high 32 puntos si Jeff Teague sa panalo ng Hawks kontra Dallas Mavericks.

Hataw din si Kyle Korver sa iskor na 16 puntos, habang umiskor si Dennis Schroder ng 14 puntos para sa Atlanta, sumabak na may limang talo sa huling anim na laro.

Hindi tinapos ni Deron Williams, ratsada sa panalo ng Mavs kontra Phoenix Suns nitong Linggo sa iskor na 27 puntos, ang laro bunsod nang pananakit ng balakang.

Nanguna sa Dallas si Chandler Parsons sa naiskor na 19 puntos at 11 rebounds, habang nag-ambag si Dirk Nowitzki ng 18 puntos.

THUNDER 114, WIZARDS 98

Sa Oklahoma City, naitala ni Russell Westbrook ang ikapitong triple double ngayong season – 17 puntos, 13 rebound at 11 assist – sa panalo ng Thunder kontra Washington Wizards.

Kumana si Westbrook ng 17 puntos, 13 rebounds at 11 assists para sa kanyang ika-26 career triple-double.

Ratsada rin si Kevin Durant sa nahugot na 28 puntos, habang kumana si Serge Ibaka ng 19 puntos at 10 rebounds para sa ika-11 panalo sa huling 12 laro ng Thunder.

PISTONS 105, NETS 100

Sa New York, winasak ng Detroit Pistons, sa pangunguna nina Andre Drummond na may 21 puntos at 18 rebound at Reggie Jackson na kumubra ng 19 puntos, ang Brooklyn Nets.

Bumida sa Nets sina Brook Lopez na may 27 puntos at Andrea Bargnani na kumubra ng 18 puntos mula sa bench.

Hornacek, ‘di na sinikatan ng araw sa Phoenix

Wala nang kumpiyansa ang Phoenix management na mapapasikat pa ni Jeff Hornacek ang Suns kung kaya’t kagyat itong sinibak nitong Lunes (Martes sa Manila) bilang head coach.

Pinagpipilian sa mga assistant coach na sina Corey Gaines, Earl Watson at Nate Bjorkgren kung sino ang papalit bilang ‘interim coach’, ayon sa source na malapit sa koponan.

Nauna rito, sinibak sa koponan ang dalawang beteranong assistant na sina Jerry Sichting at Mike Longabardi, nitong Disyembre matapos matalo sa Philadelphia.

Halos dalawa’t kalahating season na naging coach ng Suns si Hornacek. Sa kasalukuyan, bagsak ang Suns sa 14-35 para sa ika-apat na malamyang koponan sa NBA. Nabigo sila ng 19 sa 21 laro at nagbabadyang magminting sa playoff para sa ika-anim na sunod na season ang prangkisa.

Ayon kay General Manager Ryan McDonough, nakatakda niyang pulugin ang staff at personnel ng koponan para maisulong ang bagong programa bago dumating ang deadline para sa trade ng mga player sa Pebrero 18.