Nagbabala si Liberal Party standard bearer Mar Roxas na mauubos ang pondo ng bayan kapag naupo si Vice President Jejomar Binay sa Malacañang.
“Like what he did in Makati, the stealing, if we let him do that to the whole country, we would all suffer,” pahayag ni Roxas.
Ang pahayag ni Roxas ay bilang reaksiyon sa patutsada kamakailan ni Binay na si Roxas ang dapat sisihin sa mabagal na implementasyon ng gobyerno sa rehabilitasyon sa mga komunidad sa Leyte na nasalanta ng super typhoon ‘Yolanda’ noong Nobyembre 2013.
Isinisi rin ni Binay sa administrasyong Aquino, na sumusuporta sa kandidatura ni Roxas, ang umano’y pagtitipid sa pondo na dapat na inilaan sa mahahalagang imprastruktura kaya mabagal ang pag-usad ng ekonomiya.
Pumalag naman si Roxas sa mga alegasyon ni Binay at iginiit ng dating kalihim na mas gumagastos ang pamahalaan simula noong fourth quarter ng 2015.
Sinabi rin ni Roxas na si Binay ang nag-iisang kandidato na hindi pa rin nagbibigay ng paliwanag kung paano lumobo ang asset nito sa tumataginting na P11 bilyon.
“The Vice President is talking too much. I suggest that he should just answer all the allegations of corruption leveled against him instead of giving false hopes and deceiving the people,” ayon kay Roxas. (Aaron Recuenco)