Nagbabalik sa mundo ng collegiate basketball si dating San Sebastian College star player at two-time MVP na si Eugene Quilban.

Matapos magretiro sa aktibong paglalaro sa PBA noong kalagitnaan ng dekada 90, hindi na muling narinig ang pangalan ni Quilban sa basketball.

Ngunit, ayon kay Egay Macaraya, bagong coach ng Baste, hinikayat niya si Quilban na ibahagi ang kanyang talento at kaalaman bilang isang mahusay na pointguard sa kabataang manlalaro partikular sa kanilang “alma mater”.

Si Quilban ang isa sa tatayong assistant coach ni Macaraya sa kampanya ng Stags sa pagbubukas ng NCAA men’s basketball.

After 28 years: Thomasian student, naka-gintong medalya sa World Taekwondo Junior Championship

“Natapos na yung contract nina Rodney last December at walang ni-retain sa kanila maliban sa conditioning coach na si Franco Atienza,” pahayag ni Macaraya na isa ring dating manlalaro ng Stags na nagkampeon noong 1985 .

Kabilang sa mga napalitan ang assistant coaches ni dating coach Rodney Santos na sina Buboy Tanigue at Banjo Calpito.

Bukod kay Franco at Quilban, ang iba pang makakasama ni Macaraya sa bench ng Stags sa pagpasok ng Season 92 ay sina Philip Go, Mel Banua at Alex Almonte. (Marivic Awitan)