Itataas na ang kalidad sa mga susunod na laban ni Filipino boxing prospect Dodie Boy Peñalosa, Jr.
Ito ang tiniyak ni American manager Cameron Dunkin sa kahihitnan ng career ni Dodie, Jr., na lumagda sa kanya ng five-year managerial contract noong Setyembre kasama ang kapatid na si Dave.
Ayon kay Dunkin, panahon na para sumabak si Penalosa sa mga de-kalibreng laban upang malaman ang kapasidad at tunay na kalidad ng 24-anyos na Cebuano boxer.
Sina Dodie Boy, Jr. at Dave ay anak ng maalamat na si Dodie Boy Peñalosa, ang kauna-unahang Filipino boxing champion na naging two-division world titleholder.
“I want to get him on a weight and strength program. Plus he’ll be sparring with Nonito (Donaire, Jr.) and with some guys out here who are really world class guys. Then we will make our move. I think he can win a title we just have to pick the right fights,” sambit ni Dunkin.
Sa ngayon, naka-base ang mag-amang Penalosa sa Maryland kung saan nakapagtala na ang batang Peñalosa ng limang panalo sa apat na buwan na kampanya sa East Coast.
Hawak ngayon ni Peñalosa ang unbeaten record na 18-0, 14 dito natapos ng knockout.
Planong dalhin ni Dunkin si Peñalosa sa Las Vegas sa susunod na buwan upang mag-ensayo sa ilalim ni Nonito Donaire, Sr. na ngayon ay chief trainer ni Filipino Flash Nonito, Jr.
“He’s getting really close, I’m going to get him out here and train at the Top Rank Gym with Mr. Donaire. We’re going to step him up,” dagdag ni Dunkin “We’ll put him in an eight-rounder then a couple of 10-round fights. Start getting him ranked. He’s fighting very well, he’s hitting really, really hard.”
Si Dunkin ang isa sa mga respetadong boxing manager sa Estados Unidos na gumabay sa hindi na mabilang na boxing world champions kabilang na current world super bantamweight champion Nonito Donaire, Jr. (DENNIS PRINCIPE)