SA pagkamatay ng 44 sa Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) noong Enero 25, 2015, kasamang namatay ang pag-asa na maipapasa ang nilulunggating iiwang legacy ni Pangulong Noynoy Aquino—ang Bangsamoro Basic Law (BBL). Kasamang nailibing ng BBL ang teroristang si Marwan sa Bgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao, na naging eksena ng bakbakan ng SAF 44 at ng MILF, BIFF at mga armadong grupo. Ang mga kawawang SAF 44 commando na isinubo sa pagkuha kay Marwan, at kasamang si Basit Usman, ay naging biktima ng tinatawag na “Pintakasi” ng mga Muslim na naninirahan doon.
Dahil matigas ang ulo ni PNoy, iginiit ng Malacañang na kahit “pinatay” ng Kongreso (Senado at Kamara) ang BBL dahil sa hindi pagpapatibay rito, isusulong pa rin daw ng Aquino administration ang prosesong pangkapayapaan upang bigyan ng tsansa ang kapayapaan sa Mindanao. Bakit hindi na lang pasiglahin, palaguin at alagaan ang umiiral ngayong Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na nabuo noong panahon ni ex-Pres. Fidel V. Ramos?
Maraming kinopya ang Pilipinas sa US. Isa na rito ang uri ng ating sistemang demokratiko na presidential form ang gobyerno at may dalawang kapulungan. Maging ang ating Saligang-Batas ay halos ibinatay sa US Constitution. Noong una, ipinagdiriwang ng ‘Pinas ang Araw ng Kalayaan tuwing Hulyo 4, dahil Hulyo 4,1946 nang ganap na bigyan tayo ng kalayaan ng Amerika. Ipinagaya sa atin ni Uncle Sam ang petsa ng ating kalayaan sa kanilang Independence Day na July 4, 1776. Binago ito ni ex-Pres. Diosdado Macapagal at ginawang tuwing Hunyo 12 ng bawat taon.
***
Gayunman, ang hindi itinuro sa atin ng US ay ang tungkol sa disiplina sa trapiko, ang hindi pag-uunahan sa pila, gayundin, hindi itinuro sa Little Brown Brother ang tungkol sa oral hygiene. Obserbahan n’yo sa TV, karamihan ay mga bungi o bungal ang kababaihan at kalalakihang Pinoy, kapag kinakapanayam sa panahon ng kalamidad, sunog, at baha.
***
Matapos murahin ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte si Pope Francis bunsod umano ng matinding trapiko na nalikha ng huli nang bumisita sa Pilipinas noong Enero 2015, sa imbitasyon ni President Aquino, plano niyang pumunta sa Vatican City upang personal na humingi ng apology o kapatawaran kay Lolo Kiko.
Ayon sa kaibigan kong columnist na si Ramon Tulfo, nagsisisi raw ang machong alkalde sa pagmumura sa Santo Papa.
Kahit daw hindi harapin si Mayor Digong ni Pope Francis, itutuloy pa rin niya ang pagpunta sa Vatican City bilang tanda ng pagsisisi sa kanyang pagmumura. Ano ito, isang political gimmick?
***
Hindi tumupad sa pangako sina PNoy at DoTC Sec. Joseph Abaya na magpapasagasa sa tren kapag hindi natapos ang LRT extension hanggang Cavite nitong 2015. Kung ayaw pasagasa ni Abaya, binantaan siya ni Sen. Grace Poe na irerekomenda ng kanyang komite na kasuhan ang kalihim dahil sa maraming kapalpakan sa pangangasiwa sa MRT-3. Eh, papaano naman ang pagpapasagasa ni PNoy? O bahala na ang mga botante na sagasaan ang mga kandidato nito sa halalan sa Mayo 9? Kawawang Mar! (BERT DE GUZMAN)