Derrick Williams, Andre Iguodala

Bagsik ng Warriors, nalasap ng Knicks sa Madison.

NEW YORK — Laban sa matikas na Knicks, mistulang diesel na nagpainit muna ang defending NBA champion na Golden State Warriors bago rumatsada sa second half tungo, sa dominanteng 116-95 panalo Linggo ng gabi (Lunes sa Manila), sa Madison Square Garden.

Pinangunahan ni Klay Thompson ang pagbalikwas ng Warriors sa second period mula sa malamyang simula sa natipang 17 sa kabuuang 34 puntos, habang napantayan ni Draymond Green ang record ng prangkisa para sa dami ng triple-double (9) ngayong season para makolekta ang ikapitong sunod na panalo mula nang magbalik sa bench si head coach Steve Kerr.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Kumana si Green ng 20 puntos, 10 rebounds at 10 assists para maibsan ang malamyang opensa ni MVP Stephen Curry na umiskor lamang ng 13 puntos mula sa 5-for-17 field goal.

Nagawang malimitahan ng Knicks ang opensa ng Warriors sa 18 puntos sa first period – pinakamababa ng Golden State ngayong season – ngunit, kaagad na umaragkada sa natipang 64 puntos sa loob ng dalawang period para makubra ang ika-44 na panalo sa 48 laro.

Napantayan ni Green, nangunguna sa liga sa kasalukuyan sa triple-double, ang record ni Hall of Famer Tom Golan sa naitala noong 1959-60 season.

Nanguna si Carmelo Anthony sa Knicks sa naiskor na 24 na puntos at 10 rebounds.

MAVS 91, SUNS 78

Sa Dallas, nagawang manalo ng Mavericks sa kabila ng hindi paglalaro ni star player Dirk Nowitzki laban sa Phoenix Suns.

Hataw si Deron Williams sa nakubrang 27 puntos para pangunahan ang Dallas.

Hindi nakalaro si Nowitzki sa unang laban sa nakatakdang limang laro ng Mavs sa loob ng pitong araw bunga ng injury.

Sa kabila nito, nakakuha ng lakas ang bench sa kanilang star point guard para maitarak ang 23-5 run sa loob ng siyam na minuto sa final period.

Bumida sa Suns si rookie guard Devin Booker na may 19 na puntos.

HEAT 105, HAWKS 87

Sa Miami, ginapi ng Heat, sa pangunguna ni Chris Bosh na kumana ng 18 puntos, ang Atlanta Hawks para sa ikaapat na sunod na panalo sa kauna-unahang pagkakataon sa regular season mula noong Marso 28 hanggang Abril 2, 2014.

Kumubra ng tig-17 puntos sina Dwyane Wade at Luol Deng para sa Heat (27-21), na hindi nakadama ng hamon sa Hawks na kanilang nalagpasan (27-22) para sa liderato ng Southeast Division.

Nag-ambag si Amar’e Stoudemire ng 13 puntos at 12 rebounds para sa Heat, nagawang madomina ang Atlanta sa rebound 47-31 at field goal 48 laban sa 39 percent ng Hawks.

CLIPPERS 120, BULLS 93

Sa Los Angeles, pinatunayan ng bench players na kaya nilang iangat ang Clippers kahit wala ang star player na si Blake Griffin.

Nanguna si Jamal Crawford sa hataw ng reserve players sa naiskor na 26 puntos.

“Our bench has been better than fantastic,” pahayag ni Los Angeles coach Doc Rivers. “You could see Jamal had it going and they were trying to get it to him every single time. That whole group, they don’t worry about misses anymore. I want them to play free, fast and aggressive.”

Kumana rin sina J.J. Redick na may 21 puntos at DeAndre Jordan na tumipa ng 17 puntos at 20 rebounds para sa Clippers, umusad sa 15-3 karta na wala si Griffin, nagtamo ng injury sa kanang kamay matapos suntukin ang nakapikunan na assistant equipment manager ng koponan.

“It was a collective effort, but Jamal went on a killing spree,” pahayag ni Chris Paul, tumipa ng 19 puntos at pitong assists. “That team right there, they don’t go away. They just keep on coming and we took all their punches.”

Nanguna sa Bulls si Jimmy Butler sa naiskor na 23 puntos, habang kumubra sina Derrick Rose ng 20 puntos at Pau Gasol na may 15 puntos at 14 rebounds.