SA raid na isinagawa ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isang townhouse sa Sta. Cruz, Manila na umano ay shabu laboratory, natagpuan nila si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino at si Chinese National Yan Yi Shou.

Nakapasok ang dalawa sa townhouse gamit ang susi na nasa pag-iingat ng Intsik. Ayon dito, ipinagkatiwala sa kanya ng mga namamahala sa lugar ang susi. Ang Intsik, sabi naman ni Marcelino, ay ginagamit niyang interpreter.

“Naririto ako,” paliwanag ni Marcelino, “bilang bahagi ng patuloy kong operasyon laban sa sindikato ng droga”.

Sekreto raw niyang operasyon ito para sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP). Wala na kasi siya sa PDEA, na dati ay director siya ng Special Enforcement Service nito. Pero nang hanapan siya ng mission order, wala siyang maipakita maliban sa pirmado ni Army Chief Lt. Gen. Eduardo Año na dalawang taon nang paso.

Para kay Marcelino at sa mga nakakikilala sa pagkatao niya, pakana lang ang akusahan siyang kasama ng sindikato sa droga. Ang kanyang track record, anila, ay magpapatunay na talagang kalaban siya ng sindikato at pinamunuan niya ang mga operasyon laban sa droga. Responsable siya sa pagkakadakip sa tatlong anak ng mga prominenteng pamilya na tinaguriang “Alabang Boys”, at sa pagsalakay sa shabu laboratory sa Camiling, Tarlac.

Ang malaking problema ni Marcelino na nagpapahamak sa kanya ay, bukod sa paso na ang kanyang mission order, wala siyang back-up na mga law enforcer. Iyong sinasabi ngayon ng PDEA na laman ng bag na taglay niya nang makita siya sa loob ng townhouse ay 13 bank deposit slip na nagkakahalaga ng P2.25 milyon. Kaya ipinasisilip na sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga bangkong pinagdepositohan ng pera.

Ang akusasyon ng PDEA ay nasa payroll ng sindikato si Marcelino. Kung totoo ito, nililinaw lamang ang tunay na kalagayan ng sistema ng paggo-gobyerno. Bulok! Hindi ito nararapat na kalagyan ng matitinong tao. Tingnan ninyo ang pinaghirapang operasyon ni Marcelino para madakip lang ang “Alabang Boys” sa pagtataglay at pagbebenta ng ecstacy at cocaine, dinismis ng DoJ. P50-milyon suhol, ayon kay Marcelino, ang kapalit nito. Katunayan nga, sinusuhulan pa raw siya ng P2 milyon.

Walang imbestigasyong naganap o pinanagot sa suhulang ito. Marami nang alam kong kagaya ni Marcelino na matino at kahanga-hanga sa kanilang paninindigan bago sila pumasok sa serbisyo. Subalit nang nasa loob na sila ng gobyerno, nilamon na sila ng bulok na sistema. Walang kakayahan ang sistema na maiayos ang sira nito. (RIC VALMONTE)