Inoobserabahan pa rin ngayon ang isang 67-anyos na jeepney driver matapos siyang pagsasaksakin ng isang canteen operator, na nagpanggap na pasahero, habang bumibiyahe siya sa Pasay City, kamakalawa.

Nagtamo ng mga saksak sa dibdib at tiyan si Valentin Roxas, ng 209 G. Reyes Street, Pasay City, at kasalukuyan pang inoobserbahan sa Adventist Medical Center Manila, ayon sa ulat ng pulisya.

Lumitaw sa imbestigasyon na minamaneho ni Roxas ang kanyang jeepney sa Gil Puyat Avenue nang sumakay ang suspek, na nakilalang si Dondon Fernandez, 39, at tinabihan ang biktima sa harapan ng sasakyan, dakong 9:00 ng umaga.

Pagsapit sa Quick Duck Car Wash sa Buendia Avenue, bigla umanong bumunot ng patalim si Fernandez at walang sabi-sabing pinagsasaksak si Roxas.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nang marinig ang sigaw ng biktima, tinangka pa umanong habulin ng mga kapwa driver ni Roxas si Fernandez, na tumakas bitbit ang duguang patalim, subalit hindi nito naabutan.

Patuloy ang follow-up operation ng Pasay City Police upang maaresto si Fernandez, habang inaalam pa ang motibo sa krimen. - Martin A. Sadongdong