NAGKALAT na ang mga checkpoint sa buong bansa na pinangangasiwaan ng Philippine National Police (PNP). Pero, ang mga ito, ayon sa nakasulat sa mga karatula, ay Commission on Elections (Comelec) checkpoint. Kamakailan lamang ay limang katao ang napatay sa checkpoint sa Muñoz, Nueva Ecija. Overkill ang reklamo sa nangyari sa mga biktima. Alam kong masusundan pa ito habang papalapit na ang halalan.

Ang Comelec ang namamahala sa mapayapa at maayos na halalan. Upang epektibo niyang magampanan ang tungkuling ito, itinatakda ng batas na ang mga ahensiya ng gobyerno gaya ng PNP ay nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan sa panahon ng halalan. Pero, hindi ito ang dahilan para magtatag ng mga checkpoint at gawing sistema ang pamamaraang ito.

Totoo, may mga patakarang sinusunod ang mga pulis na nangangasiwa ng checkpoint. Ginawa ang mga patakarang ito para sa proteksiyon ng mga motorista. Ang checkpoint umano ay nasa maliwanag na lugar upang makita ito. Ang lugar na kinalalagyan nito ay may mga makikitang palatandaan na may checkpoint dito. Ang mga pulis na namamahala ng checkpoint ay nakasuot ng uniporme na may kani-kanilang pangalan. Plainview daw ang pamamaraan ng pag-iinspeksiyon na talaga namang dapat gawin dahil ito ang ipinag-uutos ng Korte Suprema sa kasong Valmonte vs De Villa na isinampa ko noon laban sa checkpoint. Iyon bang iilawan lang ang loob ng sasakyan at walang kapangyarihan ang nag-iinspeksyon na pabuksan ang pinto at mga compartment nito.

Ang malaking problema, sabi ni Justice Isagani Cruz sa kanyang dissenting opinion, ang naroroon lang sa lugar ng checkpoint ay ang mga pulis at motorista. Makapagrereklamo pa ba ang motorista na wala sa patakaran ang ginagawa ng mga pulis sa kanya, eh armado ang mga ito? Nasa mga pulis ang lahat ng laya para gawin ang gusto nila kapag walang testigo. Wala namang magagawa ang motorista kundi ang sumunod kahit abusuhin na siya at taniman ng anumang ebidensiya ang kanyang sasakyan na ikapapahamak niya. Higit sa lahat, epektibong instrumento ang checkpoint para sa planadong pagpatay. Sino ang tetestigo na hindi murder ang naganap? Napakadaling gamitin ito ng mga pulitiko sa kanilang mga kalaban. (RIC VALMONTE)