Hindi na nakapalag ang isang miyembro ng Batang City Jail (BCJ) nang posasan siya ng pulisya matapos niyang manghablot ng alahas ng isang babaeng naglalakad sa Binondo, Maynila, nitong Biyernes ng hapon.

Nagmamasyal ang biktimang si Joanna Sychowicz, 26, at kanyang Polish boyfriend na si Maciel Michalek, sa Soler Street sa Binondo nang biglang lumitaw si Val Catucod, 29, at hinablot ang hikaw ng una.

Nang tatakas na, narinig ng isang nagpapatrulyang pulis ang sigaw ni Maciel kaya hinabol nito si Catucod at naaresto.

Nabawi kay Catucod ang isang balisong subalit hindi ang hinablot na hikaw.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Naniniwala ang pulisya na naipasa ni Catucod ang ninakaw na hikaw sa isang kakutsaba nito bago ito naaresto ng pulisya.

Bagamat positibong itinuro nina Sychowicz at Michalek si Catucod na tumangay sa hikaw ng babae, nagpahayag ang dalawa na hindi na sila maghahain ng kaso laban sa suspek.

Itinuloy naman ng pulisya ang paghahain ng kasong illegal possession of deadly weapon laban kay Catucod kaugnay ng pagpapatupad ng Omnibus Election Code. (Jenny F. Manongdo)