CEBU CITY—Naririto ako ngayon sa Cebu upang dumalo sa International Eucharistic Congress.

Karamihan sa mga kuwento at karanasang ibinahagi mula sa grupo ng church luminaries ang humipo sa iskandalosong “dichotomy”.

Upang ilarawan: Isang Linggo ng umaga, naghahanda ang mag-asawa para dumalo sa misa. Tumunog ang telepono at sinagot ito ni mister. Nang malaman niyang mali ang tinatawagan, sinabi niyang: “Sorry, wrong number.”

Makalipas ang ilang sandali, muling tumunog ang telepono at nang malamang ito uli ang tumawag at mali ang natawagang numero, sumigaw ang lalaki at sinabing, “Buwisit ka, ‘wag mo akong gambalain. Nagmamadali kami upang makaabot sa misa!” at hinayaan niyang nakaangat ang telepono.

May ibang tao na palaging dumadalo sa misa ngunit walang pakundangan, hindi makatarungan, sinungaling, at mahirap pakisamahan.

Sa kanilang pagtanggap sa Katawan at Dugo ni Kristo, akala nila ay AUTOMATIC na silang mabait, palakaibigan, madaling lapitan.

Nagiging epektibo lamang ang sakramento kapag ang tumatanggap ng Banal na Katawan ay gumagawa ng paraan para magbago at mamuhay ng matiwasay ayon sa nais ng Panginoon.

Ang isa pang dahilan kung bakit malaki ang pagkakaiba ng sacramental life at acts of love ay dahil sa kakulangan sa kaalaman na ang commitment sa Eukaristiya ay kinakailangang dumaloy mula sa pagmamahal at serbisyo.

Kung kaya’t tuwing matatapos ang misa matapos ang pagbabasbas, sinasabi ng pari na:

“Tapos na ang misa. Humayo kayo at mamuhay sa kapayapaan” O kaya ay, “Humayo kayo at pagsilbihan ang Panginoon at ang bawat isa.”

Sinabi nga ni Cardinal Charles Maung Bo, archbishop ng Rangoon, Burma (Myanmar), official representative ni Pope Francis, sa 51st International Eucharistic Congress (IEC) sa kanyang homiliya, “In a world where millions are poor, the Eucharist is a challenge.

“Devotion to the Eucharist continues in the streets…In an inhuman world, the Eucharist is humanity. No other religion elevates the poor to this level.”

“Catholics around the world need to fight social iniquity and marginalization,” dagdag niya. “Filipinos need to declare war on poverty and injustice.” (Fr. Bel San Luis, SVD)