POSIBLENG umarangkada rin ang Yandre love team nina Andre Paras at Yassi Pressman tulad ng JaDine nina James Reid at Nadine Lustre base sa reaction ng mga nakakapanood ng trailer ng Girlfriend for Hire sa mga sinehan. Naaliw lahat at ang sabi pa ng iba, “panonoorin ko ‘yan, mukhang promising!”
Noong mapanood namin ang trailer ng Diary ng Panget ay naaliw din kami, pero hindi namin naisip na sisikat ang JaDine, kasi nga ang guwapo ni James ‘tapos napakasimple lang ni Nadine.
Pero ito pala ang gusto ng tao, isang guwapo at isang simpleng beauty. Kasi nga, marami ang hoping na hindi kagandahang makatisod ng guwapo na nangyayari naman talaga sa totoong buhay.
Pero itong Yandre, bagay na bagay kasi guwapo at maganda kaya naman kaliwa’t kanan ang projects.
Katunayan, nagkasunod ang presscons ni Yassi. Para sa pelikula nilang Girlfriend for Hire at sinundan ng seryeng Bakit Manipis Ang Ulap ng Viva TV na mapapanood sa TV5 kasama sina Claudine Barretto at Diether Ocampo at may shows din siya sa GMA 7. May bago ring serye sa GMA si Andre, ang That’s My Amboy na katatapos ding mag-presscon.
Binibiro tuloy si Yassi na malapit na niyang maungusan si Nadine ngayong patapos na ang On The Wings of Love kaya mas busy at mas marami siyang projects.
“Dumaan din po ako sa time na hinahanap ko ang projects,” kuwento ni Yassi. “’Pag dumarating siya, talagang sini-savor ko ‘yung project na ‘yon. Saka ‘yung mga projects ko naman ngayon, iba-iba kaya super-exciting. Hindi siya pare-parehas ang ipapakita. Like ‘yung Born to be a Star nga po, naghu-host ako sa reality singing competition.
‘Yung VJ naman, chill lang.
“’Tapos, ‘yung pelikula namin (Girlfriend for Hire) iba naman. Sana huwag kayong magsawa sa akin,” natatawang sabi ni Yassi sa presscon ng pelikula nila ni Andre.
At tungkol sa komentong mas busy na siya kaysa kay Nadine, “Hindi naman po. Pero grabe ‘yung world tour nila. Inggit ako sa kanila. I think two or three months na iikot sila sa buong mundo. Galing!”
Sa Pebrero 10 na mapapanood ang Girlfriend for Hire nina Yassi at Andre mula sa direksiyon ni Vanessa de Leon mula sa Viva Films. (REGGEE BONOAN)