VILMA-XIAN1 copy

PINANOOD namin sa first day of showing (last full show) ang Everything About Her ng Star Cinema na pinagbibidahan nina Vilma Santos, Xian Lim at Angel Locsin sa Cinema 4 ng SM The Block.

Siguro maagang nakapanood ang mga taong nag-abang sa pelikula dahil may pasok kinabukasan o puwedeng hindi masyadong puntahan ng tao at hindi pinapasok ang The Block lalo’t masyadong nakakasilaw ang mga ilaw sa gilid ng sinehan -- mas marami ang nanonood sa mga sinehan ng Trinoma, Eastwood, Gateway, Glorietta at Robinson’s Magnolia -- kaya wala pa kaming 100 sa loob ng sinehan.

Tinext kasi namin ang ibang katoto na nagsabing punuan naman sa sinehang pinasok nila. Marami ring posts sa social media na pinipilahan ang Everything About Her na kumita ng P15M sa opening day.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Naaliw kami kay Angel dahil pinagsabay niya ang comedy at heavy drama. Magaling talaga siyang artista, at nakita na namin ang ibang acting niya sa seryeng Legal Wife at pelikulang One More Try na heavy drama at napanood na namin siyang mag-comedy sa adaptation ng koreanovelang Only You kasama sina Diether Ocampo at Sam Milby noong 2009.

Dahil pinakamagaling na nurse sa pinaglilingkurang hospital ang papel ni Angel, sadya siguro siyang sinabihan na magdagdag ng timbang kaya malusog ang aktres sa Everything About Her at kayang-kaya niyang magbuhat ng mga pasyente tulad ni Vilma na tuwing inaatake ng cancer ay kailangan niyang buhatin.

Hindi na makukuwestiyon ang galing ni Ate Vi bilang artista, maraming beses na niya itong napatunayan kaya istorya na lang ang pagkakaiba sa atakeng gagawin niya.

Gustung-gusto namin ang eksenang miss na miss ni Vivian (Vilma) ang anak niyang (Xian) matagal na nawalay sa kanya.

Gusto niya itong halikan, yakapin, at pagsilbihan pero hindi niya magawa dahil nauunahan siya ng takot na baka ma-reject siya kasi nga aloof at may galit ito sa kanya na mas inuuna niya ang trabaho kaysa arugain ito.

Maaaring ganito ang nangyari kina Gov. Vi at Luis Manzano noong kaliwa’t kanan ang projects niya sa TV at pelikula.

Kaya nga nabanggit niya sa presscon ng Everything About Her na dumaan din si Lucky sa pagrerebelde bilang anak.

Kaya kahit super busy bilang gobernador ng Batangas, sinisiguro na niya ngayon na may oras siya kina Sen. Ralph Recto at Ryan Christian para hindi na maulit ‘yung nangyari noon kay Luis.

Gayunpaman, happy ending dapat kaya nagkabati at okay na ang mag-ina sa pagtatapos ng pelikula.

Very vocal kaming hindi namin gusto si Xian Lim dahil sa napakaraming engkuwentrong hindi maganda kapag nai-interview namin siya (noong naiimbitahan pa kami, dahil simula nang sulatin namin ang mga engkuwentrong iyon ay binura na rin kami sa list ng mga iniimbitahan sa presscons niya).

Napapanood namin ang mga pelikula nila ni Kim Chiu kaya nare-review namin ang acting niya na waley pa talaga kaming makitang improvement.

Pero sa Everything About Her, totoo nga ang sinabi nina Governor Vilma at Angel plus Binibining Joyce Bernal na malaki na raw ang ipinagbago ng aktor at magugustuhan na raw siya rito at kung anu-ano pang papuri hanggang sa napaiyak tuloy si Xian dahil sa pagtatanggol sa kanya ng Star for All Seasons.

Yes, Bossing DMB, hindi naman namin ipagkakait na talagang pinupuri namin si Xian sa pelikula, dahil totoong ang laki-laki na ng improvement niya sa pag-arte kumpara sa mga pelikula nila ni Kim. Bravo, Xian!

Dati kasi ay mas nagmamarka sa amin ang mga damit na suot ni Xian sa pelikula lalo na ang iba’t ibang klaseng leather jacket at boxer shorts niya sa pelikula nila ni Kim dahil waley nga siyang acting.

Pero sa Everything About Her, pansin na pansin na ang acting niya at pangalawa na lang naming napansin ang mga suot niyang damit. Magaling talagang pumorma si Xian, bagay sa height at tindig niya. Pero siguro mas maganda kung magpapayat siya ng konti dahil kitang-kita na ang laki ng katawan niya.

Sana sa susunod na project, mas maganda at may improvement uli mula sa ipinakita niya sa Everything About Her para tuluy-tuloy na at matawag na siyang aktor talaga at hindi lang puro pogi points.

Magaling si Bb. Joyce Bernal dahil nagbunga ang pagpipiga niya kay Xian. Sabi nga niya sa amin noon, “Alam mo marunong umarte si Xian, hindi pa lang niya alam ‘yung niche niya, alam ko me ilalabas ang batang ito, eh. Kaya nga gusto ko siyang katrabaho, okay siya.”

Mukha naman dahil ilang beses nang nagkatrabaho sina Xian at Direk Joyce, kaya nga binibiro namin ang direktor na ito ang bago niyang paborito next to Robin Padilla at Aga Muhlach. (Reggee Bonoan)