Hindi naniniwala si Liberal Party standard bearer Mar Roxas na siya ang pinakamumuhiang tao sa Tacloban City.

Ito ay matapos niyang maranasan ang mainit na pagtanggap ng mga residente ng siyudad na matinding nasalanta ng super typhoon ‘Yolanda’ noong 2013.

Ayon kay Roxas, ang mainit na pagtanggap ng mga residente sa kanya ay patunay na hindi totoo ang mga espekulasyon na wala siyang makukuhang boto sa lugar dahil sa akusasyon na naging palpak ang gobyerno sa pagbibigay ng ayuda sa libu-libong biktima ng kalamidad.

“Ang lahat ng ito ay gawa-gawa lang ng ating mga katunggali sa pulitika. Kayo mismo ang testigo kung ano ang naitulong ng gobyerno,” pahayag ni Roxas.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda, kumalat sa social media ang isang video footage na nagkainitan sina Roxas, na noo’y kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), at Tacloban City Mayor Alfred Romualdez hinggil sa isyu ng rehabilitasyon ng siyudad.

Naging sentro rin ng balita ang umano’y mabagal na aksiyon ng gobyerno sa pagpapatayo ng pabahay para sa mga biktima ng bagyo.

Sinabi ni Roxas naglaan na ng inisyal na pondo na aabot sa P4 bilyon ang gobyerno para sa rehabilitasyon sa Tacloban City.

“They are already 85 percent complete. That is the truth and that is where I stand,” pahayag ni Roxas sa kanyang pagbisita sa city hall at mga pamilihang bayan sa Tacloban. (Aaron Recuenco)