Isang police asset na sinasabing tulak umano ng shabu ang nasawi makaraang pagbabarilin ng hindi kilalang suspek habang naglalaro ng pool sa Tondo, Manila nitong Biyernes ng gabi.

Dead-on-the-spot si Erwin Tumale, 46, walang trabaho, ng Building 6, Temporary Housing sa Tondo.

Tinutugis naman ng awtoridad ang tumakas na suspek na nakilala lamang sa alyas na “Junior Pepito”, may taas na 5’7” hanggang 5’8”, at nakasuot ng T-shirt at maong pants.

Batay sa ulat ni PO3 Alonzo Layugan, ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong 8:45 ng gabi nang mangyari ang insidente sa eskinita ng Buildings 6 at 7 sa Temporary Housing.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Lumilitaw sa imbestigasyon na naglalaro ng pool si Tumale nang dumating ang suspek at walang sabi-sabing niratrat ng bala ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan.

Nang matiyak na napuruhan ang biktima ay naglakad palayo ang suspek patungo sa direksyon ng Road 10.

Naniniwala ang awtoridad na posible umanong may kinalaman sa droga ang pagpatay sa biktima, dahil kilala itong police asset na nagtutulak din umano ng shabu sa kanilang lugar. (Mary Ann Santiago)