Laking gulat ng mga pasahero ng isang jeepney nang bigla na lang huminto ang sasakyan at mawalan ng malay ang driver nito, habang sila ay bumibiyahe sa Quezon City, nitong Biyernes ng umaga.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang driver na si Amador Jose, 47, ng Barangay Bagong Nayon, Antipolo City.

Base sa imbestigasyon, binabagtas ni PO3 Venancio Hidalgo, Jr. ang Aurora Boulevard sa Bgy. Loyola Heights nang bigla niyang mapansin ang komosyon sa loob ng pampasaherong jeep na minamaneho ni Jose.

Itinigil ni Hidalgo ang kanyang sasakyan upang alamin kung ano’ng nangyayari sa jeepney, at nakita niyang nakasubsob si Jose sa manibela at walang malay.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Ilang beses na tinangka ng mga pasahero at maging ng rider ng jeep na si Jayrome Bermido na gisingin si Jose subalit bigo sila.

Isinugod ni Bermido si Jose sa Quirino Memorial Medical Center, at ideneklarang dead on arrival dakong 9:32 ng umaga.

Sinabi ng mga doktor na atake sa puso ang dahilan ng pagkamatay ni Jose. (Betheena Kae Unite)