PIA AT KORINA copy

LALO pang humanga si Ms. Korina Sanchez-Roxas sa ating bagong Miss Universe na si Pia Alonzo Wurtzbach nang eksklusibo niya itong makapanayam sa New York City para sa Rated K kamakailan.

Isa ang beteranang broadcast journalist sa mga nag-workshop sa Binibining Pilipinas candidates noong 2013 na naging first runner-up pa lamang si Pia. Tinuruan ni Korina ang mga kandidata kung paano sila sasagot sa interview at lalo na sa question and answer portions kung sakaling sila ang maging kinatawan sa international pageants.

Pagkatapos ng workshop, nagpa-autograph si Pia kay Koring. Ang sinulat ni Korina sa notebook ni Pia ay: “Dear Pia, Love, laugh, and courage. Love, Korina.”

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Hindi inakala ni Koring na itinago pala iyon ni Pia at dala-dala pa ng beauty queen ang notebook na may autograph ni Korina sa Las Vegas nang lumaban at magwagi sa Miss Universe beauty pageant.

Ipinakita ni Pia ang nasabing autograph kay Korina nang sumakay ang award-winning journo sa limousine service ng Miss Universe. Inamin ni Pia na ang sinabi ng misis ni Mar Roxas sa autograph ang isa sa mga nagsilbing inspirasyon niya upang patuloy na mangarap na maiuwi ang korona ng Miss Universe sa ating bansa.

“Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga natutunan ko kay Ms. Korina at isa siya sa aking mga inspirasyon,” ani Pia.

Bukas na ang inaasahang pag-uwi ni Pia sa ating bansa at nakahanda na ang lahat para sa pinakahihintay na engrandeng homecoming at parade ng Miss Universe 2015. (ADOR SALUTA)