KIRAY, DEREK AT SOLENN copy

“LEADING lady ako ni Derek Ramsay, Tita Reggee, totoo nga, hindi ako nagbibiro,” nangungumbinsing sabi ni Kiray Celis nang makausap namin noon sa taping ng #ParangNormalActivity.

Hindi kami naniwala. Derek Ramsay at kasama sa pelikula nilang Love Is Blind si Solenn Heussaff ‘tapos siya ang leading lady?

Pero napanood namin ang trailer ng pelikulang idinirek ni Jason Paul Laxamana under Regal Entertainment na umabot agad sa 1M ang views sa loob lang ng isang linggo, totoo nga!

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nakakatawa at riot ang trailer ng Love Is Blind! Ginayuma kasi ni Kiray si Derek kaya baliw na baliw at ang tingin nito sa kanya ay si Solenn siya.

Sa presscon ng pelikula sa Valencia Events Place, tinanong namin si Mother Lily Monteverde na baka trailer lang ang nakakatawa, kasi nga ganito ang nangyayari kung minsan sa ibang pelikula. Nag-swear si Mother Lily na nakakatawa ang buong pelikula at ang galing daw ni Kiray.

Kaya pala kinontrata na kaagad ni Mother Lily si Kiray ng anim na pelikula at may follow-up na kaagad pagkatapos ng Love Is Blind.

At heto na, riot din ang Q and A ng presscon. Lukang-luka si Kiray dahil kinulit siya tungkol sa kissing scene nila ni Derek na ikinumpara pa kay Kean Cipriano.

Inamin niyang first time niyang makatikim ng halik ng lalaki kay Arjo Atayde sa Maalaala Mo Kaya na ipinalabas noong Setyembre 14, 2013.

“’Yung unang kissing scene ko po kay Arjo, hindi gumagalaw, ‘tapos nu’ng na-try ko po si Kuya (Derek), ano pala, gumagalaw ang mouth niya. Ang alam ko po kasi ‘pag smack lang, kiss lang ng ganu’n (sabay muwestra). Eh, kinakain po niya ang labi ko,” pambihirang paglalarawan ni Kiray sa engkuwentro ng lips nila ni Derek.

Hiyang-hiya tuloy ang hunk actor sa pambubuking sa kanya ni Kiray, halos itago na ang mukha sa suot nitong baseball cap.

“Kuya, huwag kang mahiya, ginagawa mo naman talaga ‘yun,” diin pa ni Kiray.

Pakiramdam ba ni Kiray, pinagsamantalahan siya ni Derek?

“Inisip ko na lang po na ganu’n pala talaga makipag-kissing scene, pero nu’ng kami naman ni Kuya Kean, hindi rin naman siya gumagalaw.”

Hagalpakan to the maximum level talaga ang lahat ng tao sa presscon sa no holds barred na mga sagot ni Kiray.

“Kaya po ‘pag tinanong ninyo si Kuya Derek, sasabihin niya malambot ang labi ko, kaya alam n’yo na… kasi hinahatak niya ‘yung labi ko.

“First kiss ko po ito na gumagalaw ang labi, kasi akala kasi talaga ‘pag smack, didikit lang, hindi ko alam na may paghahatak pala ng labi ‘yun. ‘Tapos tawag po sa akin, tuod daw ako, alangan namang kainin ko rin ‘yung labi niya.

“Tanda ko po ‘pag sinasabi ng ibang direktor na smack hindi gumagalaw, ‘tapos nu’ng si Kuya Derek na, gumagalaw, kaya inisip ko na lang, sanay talaga si Kuya sa mga ganu’ng eksena.”

Ipinagtanggol tuloy ni Derek ang sarili.

“’Pag smack talaga, gumagalaw, ‘pag torrid, may dila,” paliwanag ng hunk actor na lalong ikinatawa ng lahat.

“Oo nga, pero hindi ako na-inform na kapag smack pala, eh, palitan at kainan ng labi, ganu’n,” pangangatwiran ulit ni Kiray na lalong ikinahiyaw ng mga tao sa presscon.

Para siguro makaganti, ibinuking naman ni Derek na ilang beses ipinaulit ni Direk John Paul ang kissing scene nila dahil tawa nang tawa ang aktres at nasilip din sa kamera na may tumalsik pang laway ang dalaga.

“Hindi lang laway, may particles pang siomai (kasi kumain daw si Kiray), hindi lang sa akin, maski kay Kean,” tumatawang sabi ng hunk actor.

Hindi na kumibo si Kiray, at ang tanging nasabi na lang, “Si kuya Derek talaga.”

Sino ang best kisser kina Kean at Derek?

“Kung hindi gumagalaw, si Kuya Kean po, ‘pag gumagalaw si Kuya Derek po. Magkaiba po kasi sila,” sagot ni Kiray.

Nagpaliwanag naman si Kiray na hindi siya sanay sa kissing scene kaya kakaiba ang reaksiyon niya dahil nga simula nang pasukin niya ang showbiz sa edad na tatlo ay wala naman siyang ginampanang papel kundi bagets roles, nagpapatawa, o best friend ng bida.

May kakaiba ba siyang naramdaman sa kissing scene nila ni Derek?

“Wala po, hindi po ako nag-iisip ng ganu’n kasi hindi ko naman type si Kuya Derek, eh. Wala talaga,” paliwanag ng aktres.

Si Sam Milby raw ang forever crush ni Kiray.

“Ganu’n po ang tipo ko, katulad ni Kuya Sam Milby,” sabi ng dalaga.

Samantala, ibinuking ni Solenn na may eksena raw sa beach sina Derek at Kiray na baka hindi lumusot sa MTRCB dahil medyo malaswa ang dating.

Mapapanood na ang Love Is Blind sa Pebrero 10 bilang pang-unang salvo ng Regal Entertainment ngayong 2016 pagkatapos ng Haunted Mansion na patuloy pa ring kumikita ngayon. (Reggee Bonoan)