Vice-Ganda copy

DREAM come true rin pala kay Vice Ganda na mapasama siya bilang isa sa mga hurado ng Pilipinas Got Talent Season 5 na eere na sa Sabado, Enero 23.

Kaya nang ialok ito kay Vice, tinanggap kaagad niya.

“Kasi unang-una gusto ko ‘yun. Doon n’yo naman ako unang napanood, doon n’yo ako unang na-appreciate, nang maging hurado ako sa Showtime. At saka ang laki ng PGT, nu’ng dati, pinanonood ko ‘yun, sabi ko, ‘gusto ko ‘yan (hurado), gusto kong magganyan.’ Kaya nu’ng ibinigay sa akin, ‘ay heto na, nagkatotoo na naman ang sinabi ko.’ Kaya grab na,” kuwento ni Vice.

Human-Interest

ALAMIN: Mga inisyatibo ng NCCA sa pagpapakilala ng kultura ng mga katutubo

Ano ang pagkakaiba ng pagiging hurado ni Vice sa Showtime at sa PGT?

“Parang ganu’n pa rin, spontaneous, honest, sincere with the heart, sabi nga ni Pia Wurtzbach.”

Nabanggit ni Vice na parang mas mahirap ang PGT judging ngayon dahil may golden buzzer na sila, na wala sa mga nakaraang season.

“Ngayong season may golden buzzer, sa mga unang round pa lang nakapagbigay na kami ng golden buzzer kasi ang gagaling na,” say ng TV host/actor.

Advantage raw kay Vice na guwapo ang contestants para kiligin siya, pero hindi ibig sabihin ay ipapanalo o pipiliin niya kahit hindi naman karapat-dapat.

“Siyempre, it’s their (male contestants) talent pa rin, alam naman ng lahat na doon lang tayo sa totoo,” sabi ni Vice.

Medyo mahigpit daw siya sa pagpili ng kakaibang talents sa PGT.

“Mas tumaas ang standards ko kasi ang dami ko nang nakitang kakaibang talents sa Showtime kaya minsan galing na galing na ‘yung ibang judges na kasama ko, ako parang ang basic sa akin, ang normal na niyan kasi nakita na namin ‘yan sa Showtime. Kaya hindi ako ‘yung tarantang-tarantang aligagang laway na laway.

“’Yung ibang judges kasi, hindi naman sila na-expose sa… sina FMG (Freddie M. Garcia), sina Angel (Locsin) at Robin (Padilla) iba naman kasi ‘yung interest nila.

“Si Robin ang pinakabarako pero siya ang may pinakamalambot ang puso. Ako ang baklang pinakamalambot, pero ako raw ‘yung pinakamatapang at istrikto, ‘yung mga crucial na decision, ibinibigay nila sa akin.

“Si Angel naman, ang sweet-sweet ng mukha, ng pagkatao, pero ang istrikto rin, diretso rin si Angel. Yes, sasabihin niya talaga (sa contestant) ‘na dapat ganito ginawa mo.’ Kaya magugulat kayong lahat.

“Bukod sa mga imahe na nakilala n’yo na noon, may mga karakter na lalabas sa amin,” paunang sabi ni Vice.

“Si FMG, sabi niya, ngayong season daw siya nag-enjoy nang husto kumpara sa past kasi lagi raw siyang inookray nu’ng dalawa (Ai Ai de las Alas at Kris Aquino),” dagdag pa ng phenomenal box office star.

Sa totoo lang, Bossing DMB, excited ang netizens na mapanood ang PGT Season 5 dahil aabangan nila ang mga komento ni Vice sa mga contestant. (REGGEE BONOAN)