Patay ang isang ginang habang lima ang sugatan nang masalpok ng tren ng Philippine National Railways (PNR) ang sinasakyan nilang pampasaherong jeep sa Paco, Manila nitong Martes ng gabi.

Nalagutan ng hininga sa Sta. Ana Hospital ang hindi pa nakikilalang biktima na tinatayang nasa 50-60 taong gulang at nakasuot ng uniporme ng guro, dahil sa matinding pinsala sa ulo.

Ayon sa mga awtoridad, bigo silang makilala ang biktima dahil may tumangay sa bag nito matapos ang banggaan.

Sa ulat ni SPO2 Mario Lising ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), dakong 7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa Pedro Gil Street sa Paco.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Patawid ang pampasaherong jeep (PCV-165) na biyaheng Sta. Ana-Padre Faura at minamaneho ni Marlon Verdida, 30, nang tumunog ang signal na may papadaang tren. Sa halip na huminto ay binilisan ni Verdida ang pagpapatakbo ng jeep at nilagpasan ang pababang barrier sa riles, sa pagtatangkang maunahan ang tren.

Subalit sila ay naabutan at nasalpok pa rin ng tren ang jeep, na bumangga pa sa isang delivery van.

(Mary Ann Santiago)