Ai Ai Delas Alas copy

NAKAUSAP namin ang PR department head ng Star Cinema na si Roxy Liquigan na aminadong dismayado sa mga pahayag ni Ai Ai delas Alas kaugnay na umano’y may dayaang nangyari sa nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF) kung sino talaga ang nag-number one sa box office.

Hanggang sa mga sandaling sinusulat namin ang balitang ito ay hindi pa rin naglalabas ang MMDA ng kumpirmadong datos sa mga kinita ng mga pelikulang kasali sa MMFF 2015 at kung alin sa My Bebe Love nina Ai Ai, Vic Sotto at AlDub (Maine Mendoza at Alden Richards) at Beauty and the Bestie nina Vice Ganda at Coco Martin ang nanguna sa takilya.

Pahayag ng Star Cinema, sila ang number one pero humirit si Ai Ai na ang pelikula nila ang totoong nanguna sa palakihan ng kinita. 

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Mataray pang sabi ng komedyanteng aktres, itaga raw sa bato kung totoong number one ang movie ni Vice ay may nangyaring dayaan.

“Alam mo, Morly hindi ko alam kung bakit sinasabi ni Ai Ai na may dayaan,” pahayag ni Roxy. “Sige ilabas nila ang proof ng kanilang kinita. Kami sinasabi naman namin na hinigitan na ng Beauty and The Bestie ang track record ng Praybeyt Benjamin dahil as of now (January 10, 2015) ay nakaka-four hundred million plus na ang movie namin.”

Hamon ni Roxy, mananahimik o hindi na siya magsasalita tungkol sa isyu at bow siya kay Ai Ai kung may mailalabas itong katibayan na mas malaki nga ang kinita ng My Bebe Love.

Nanghihinayang si Roxy dahil noong mga panahong nasa poder pa ng ABS CBN si Ai Ai ay panay daw ang papuri nito sa kanilang kumpanya, taliwas sa ginagawa nito ngayon.

“Siguro dapat niyang isipin na sa ginagawa niya ay may naaapakan siyang mga kaibigan. Ako, kaibigan ko si Aileen pero hindi naman puwedeng hindi ako magsalita dahil alam ko kung ano ang totoo at ang Star Cinema na ang nakataya sa usaping ito.”

Hindi nagsasara ng pinto si Roxy para kay Ai Ai. Maliit lang ang mundo, aniya, at isang araw ay tiyak na magkikita at magkakausap din sila. 

“Naku, isang araw ‘pag nangyari ‘yon pagtatawanan na lang namin itong issue na ito ngayon. Pero siyempre, Morly tatanungin ko rin sa kanya kung bakit. Ganu’n lang kasimple ‘yun.”

Malinaw ang mensahe ni Roxy kay Ai Ai. Kung emotional daw si Ai Ai nang magpa-interview ito at nang sabihing, “Itaga sa bato” na may dayaang naganap sa Metro Manila Film Festival 2016, pero bilang head ng ad-prom ng Star Cinema at kaibigan ng aktres ay nasaktan din at kailangan niyang linawin kung ano ang totoo sa isyung pinag-uusapan ngayon sa apat na sulok ng showbiz.

Pero sa totoo lang, sa pag-aagawan ng My Bebe Love at Beauty and the Bestie ang number one position sa box office ranking ay lalong sinipag pumasok sa sinehan ang kani-kanilang followers. (MORLY ALINIO)