Ang collage na ipinost ni James Franco sa IG copy

LABIS na nasorpresa si Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach nang batiin siya kahapon sa Instagram ng Hollywood actor na si James Franco.

Nag-post si James, 37, ng collage ng litrato niya at ni Pia na may caption na: “I ❤ the Philippines!!! ❤ 2 @missuniverse!!!”

Pagkaraan ng isang oras, nag-reply si Pia, 26, sa post ni James, ng: “I LOVE YOU MORE!!! ❤❤❤ @jamesfrancotv.”

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Inamin kamakailan ng Filipino-German beauty sa isa sa kanyang mga panayam sa New York na crush niya si James, na nakilala sa pagganap sa Spiderman movies bilang si Harry Osborn, ang matalik na kaibigan ni Peter Parker (Tobey Maguire).

Sinabi ni Pia na wala siyang boyfriend. Ngunit kung makakapili, ang inilarawan niyang ideal man niya ay iyong gentleman, may sense of humor, at matalino.

Nauna na siyang naiugnay kay Pangulong Noynoy Aquino, ngunit iginiit ni Pia na magkaibigan lang sila.

Si James ay isa ring filmmaker na noong una ay gustong maging marine zoologist.

Nagtapos siya sa University of California Los Angeles. Kalaunan, nag-aral din siya sa Columbia University, New York University, Brooklyn College, Warren Wilson College, Yale University, at Rhode Island School of Design. Noong 2015, nagsimula siyang magturo sa isang film class sa Palo Alto High School.

Taong 2010 nang maging nominado si James sa Academy Award for Best Actor para sa pelikulang 127 Hours.

Naging kontrobersiyal si James dalawang taon na ang nakalilipas nang maaresto siya sa tangkang pag-pick up sa 17-anyos na Scottish schoolgirl sa Instagram. (ROBERT R. REQUINTINA)