Dalawang deboto ang iniulat na nasawi, habang libong iba pa ang nasugatan, sa taunang pista ng Poong Nazareno na dinaluhan ng milyun-milyong deboto sa Quiapo, Manila.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD), isang 50-anyos na lalaki ang nasawi matapos na dumalo sa isang misa sa Quiapo Church, bago pa man magsimula ang Traslacion 2016, ganap na 6:00 ng umaga.

Pauwi na ang hindi pinangalanang biktima mula sa pagdalo sa misa nang himatayin ito pagsapit sa Evangelista Street.

Ayon sa ulat ng medical assistance team ng Quiapo Church Ministry, nabagok ang biktima nang mawalan ito ng malay at idineklarang dead on arrival sa pagamutan.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sinabi ni Chief Insp. John Guiagui, commander ng MPD-Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP), posibleng inatake sa puso ang biktima.

Wala naman aniyang kinalaman ang insidente sa prusisyon dahil maluwag pa ang Evangelista Street nang mangyari ito.

Samantala, ayon kay Gwendolyn Pang, secretary-general ng Philippine Red Cross (PRC), dakong 11:40 ng umaga nang bawian ng buhay si Alex Fulyedo, 27, ng Sampaloc, Manila, sa kasagsagan ng Traslacion 2016.

Nagpapahinga umano ang biktima at nakaupo malapit sa Manila City Hall matapos na magbuhat ng andas ng Poong Nazareno nang bigla na lang itong magkombulsiyon at mawalan ng malay.

Ayon kay Pang, nang isugod sa kanilang field office sa Bonifacio Shrine ang biktima ay wala na itong pulso.

Binigyan umano ng first aid at lahat ng revival measures si Fulyedo ngunit bigo ang mga medical team ng PRC na ma-revive pa ito.

Sinabi ni Pang, ayon sa kasama ng biktima, na mayroon itong history ng sakit sa atay.

Kaugnay nito, libong deboto ang iniulat na nasugatan at nasaktan sa paglahok sa prusisyon.

Kabilang sa dinanas ng mga deboto ang hirap sa paghinga, pagkahilo, may natapakan, may nasugatan sa ulo, may nagulungan ng andas, may nabangag ang ulo nang tumalon sa karwahe sa pagpupumilit na makahawak sa andas, may naitulak at mayroon ding inatake ng karamdaman tulad ng hika.

Taun-taon, maraming deboto ang nasusugatan at nasasaktan sa prusisyon ngunit hindi pa rin napipigilan ang mga ito sa paglahok sa taunang relihiyosong aktibidad dahil sa paniwalang nabibiyaan sila ng Panginoon sa kanilang ginagawa.

(MARY ANN SANTIAGO)