Ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang kahalintulad ng security template na ginamit nito sa pagbisita ni Pope Francis noong Enero sa Traslacion ng Poong Nazareno bukas, na inaasahang dadagsain ng milyun-milyong deboto.

Sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, na ang matagumpay na seguridad na kanilang inilatag noong bisitahin ng Santo Papa ang Maynila at Tacloban City ay magiging epektibo rin sa pagpapanatili sa kaayusan at katahimikan sa prusisyon ng Poong Nazareno.

“Sa ngayon, wala kaming natatanggap na serious threat. Subalit ginagawa namin ang lahat upang matiyak na walang mangyayaring untoward incident,” pahayag ni Mayor.

Ayon kay Mayor, kabilang sa mga security measure na kanilang ilalatag ay ang pagbabawal sa paggamit ng bull cap at pagdadala ng backpack ng mga deboto.

Sigaw ni Sen. Risa: 'Mananagot ka, Apollo Quiboloy!'

Subalit maaari naman aniyang gumamit ng mga transparent backpack at bag.

Sinabi ni Marissa Bruno, tagapagsalita ng Manila Police District (MPD), na handa na ang kanilang puwersa sa pagbibigay ng seguridad sa Traslacion ng Poong Nazareno na inaasahang tatagal ng mahigit 10 oras.

Mahigit 5,000 pulis ang itatalaga sa Maynila upang magbigay seguridad sa prusisyon, ayon kay Director Joel Pagdilao, ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Kapwa sinabi nina Mayor at Bruno na naghihintay pa sila ng direktiba kung magpapatupad ng signal jamming sa telecommunication signal at no-fly-zone sa Maynila. (AARON RECUENCO)