Dalawang tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang ginagamot ngayon sa isang ospital matapos salpukin ng isang kotse ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Barangay Culiat, Quezon City, noong Sabado.

Kinilala ang dalawang nasugatan na sina PO3 Ayub Abdula, 43, ng Sulu Street, Mosque Compound, Tandang Sora Avenue, Bgy. Culiat; at PO2 Paul Pronuncial, 52, ng Leono Street, Bgy. Tanyong, Malabon City.

Base sa imbestigasyon, magkaangkas ang dalawa sa isang Honda Wave nang mahagip ito ng Mitsubishi Mirage (AAL-9390) na minamaneho ni Krizzia Mae Ezana, 26, assistant manager ng Scott Philippines, sa Tandang Sora Street, dakong 1:15 ng hapon nitong Sabado.

Nagpagewang-gewang ang motorsiklo bago ito tuluyang sumemplang sa kalsada, at tumilapon nang ilang metro ang dalawang pulis.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Isinugod sa Capitol Medical Center ang dalawang pulis dahil sa tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan, ayon sa report.

Hindi naman nasugatan si Ezana sa insidente bagamat bahagyang nasira ang kanyang kotse, ayon sa imbestigasyon. - Francis T. Wakefield