Ni Marivic Awitan

Hindi makapagpakitang-gilas o makagawa ng impresyon kundi kung paano niya mapatatagal ang kanyang basketball career sa sandaling umakyat na siya sa professional league ang gustong paghandaan ni UAAP back-to-back MVP Kiefer Ravena sakaling magdesisyon siyang sundan ang yapak ng kanyang ama na tumuntong ng PBA.

Kaugnay nito,bukod sa nauna niyang paglahok sa paghahandang ginagawa ng Gilas Pilipinas, may plano si Ravena na magsanay sa ibang bansa upang mas mapaangat pa ang kanyang basketball skills bago siya lumahok sa susunod na PBA draft.

Base sa naging panayam sa kanya ng ABS CBN Sports, sinabi ni Ravena na balak niyang magsanay sa Las Vegas kung saan nagsasanay dati ang Ateneo Blue Eagles bilang preparasyon sa kanilang pagsabak sa UAAP.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

Nabuo ang desisyong ito ni Ravena dahil na rin sa nakita niyang malaking kakulangan ng kanyang taglay na basketball skills kumpara sa kanyang mga nakasasabay na mga professional cager sa Gilas Pilipinas.

Naniniwala si Ravena na sa pagdaraan ng panahon ay pahusay na ng pahusay ang mga sumusulpot na players kung kaya’t pahigpit na ng pahigpit ang kompetisyon para mabigyan ng pagkakataong makapaglaro sa PBA.

Bibihira din kasi ang mga manlalarong gaya ng mga beterano ngayon sa liga na tumatagal at hanggang ngayon ay nakukuha pang makipagsabayan sa ilang henersayon na rin naman ng mga manlalarong mas nakababata sa kanila.

Samantala, suportado naman ang plano ni Ravena ng kanyang mga magulang na gaya niya ay mga mahuhusay at may pangalan ding mga atleta sa kani-kanilang larangan na sina dating PBA star Bong Ravena at dating national women’s volleyball team mainstay Mozzy Crisologo Ravena.