Itinalaga ni Pangulong Aquino ang dating Philippine Navy Flag officer-in command na si retired Vice Admiral Jesus C. Millan bilang bagong Undersecretary for Civil Veterans and Retiree Affairs (CVRA), na pinangangasiwaan ng Department of National Defense (DND).
Itinalaga rin ng Pangulo si retired Army Lt. Gen. Felicito V. Trinidad Jr., dating Northern Luzon Command (Nolcom) chief, bilang bagong DND Assistant Secretary for Human Resources.
Pinangunahan ni Defense Secretary Voltair Gazmin ang panunumpa sa tungkulin ng dalawang bagong opisyal ng DND.
Tumanggap ng maraming parangal si Millan, na kilala sa kanyang pagiging propesyunal na sundalo. Kabilang sa mga parangal kay Millan ay ang Philippine Legion of Honor (Degree of Commander) at Distinguished Service Star (DSS). Isa rin siya sa The Outstanding Philippine Soldiers (TOPS) 2007 ng Metrobank Foundation at Rotary Club of Makati Metro.
Si Millan ay nagsilbing ika-34 Navy chief, na kanyang hinawakan mula Abril 30, 2014 hanggang Agosto 10, 2015.
Siya rin ang dating commander ng Naval Forces sa Western Mindanao, Chief of the Naval Staff–PN, commander ng Naval Reserve Command, deputy commander ng Naval Forces-Western Mindanao, commander ng Naval Task Force 61, at commander ng Navail Air Group.
Nagtapos si Millan ng Masters in Business Administration sa Colegio de San Juan de Letran.
Samantala, si Trinidad ay nagsilbing commander ng First Infantry Division mula Agosto 2013 hanggang Hunyo 2014.
Malaki rin ang naging papel ni Trinidad sa pagresponde sa madugong pag-atake ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga City noong Setyembre 2013, at nagsilbi rin siyang ground commander ng lahat ng puwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na nakipagbakbakan sa rebeldeng grupo.
Umabot sa 183 tauhan ng MNLF ang napatay habang 292 iba pa ang naaresto ng puwersa ng gobyerno matapos ang insidente.
(Elena Aben)